KALABOSO ang 41-ayos na tricycle driver na gumulpi at nanutok ng patalim sa menor-de-edad na binatilyo na nagtutulak ng kariton matapos maaresto Miyerkules ng hapon sa Malabon City.

Sa ipinarating na ulat ni Malabon police chief P/Col. Kenneth Mission kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, nagtutulak ng kariton na may kargang soft drinks ang 17-anyos na biktima nang aksidenteng masagi ang tricycle na minamaneho ng suspek sa isang eskinita sa Brgy. Sa Agustin pasado alas-5:00 ng hapon.

Nagalit umano ang suspek at kaagad pinagmumura ang binatilyo na sa takot ay nagtangkang umiwas palayo.

Hinabol at kinuwelyuhan ng suspek ang binatilyo, pinagsusuntok sa mukha, at tinutukan ng patalim habang tinatakot at pinagsasabihan na huwag maging kampante sa kanilang lugar.

Nang makauwi ang biktima, kaagad na nagsumbong sa kanyang kamag-anak na nagsama sa kanya sa tanggapan ni P/Cpt. Marcelo Agarin, , Acting Sub-Station 6 Commander.

Iniutos kaagad ni Capt. Agarin ang pagdakip sa suspek na agad namang naaresto ng kapulisankatuwang ang mga barangay tanod.

Mahaharap ang suspek sa reklamong pananakot, pananakit at paglabag sa R.A. 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act sa Malabon City Prosecutor’s Office. (Edison de Jesus)

Share.