NATAPOS ang mahigit apat na taong pagtatago ng 29-anyos na wanted na kriminal sa Leyte province matapos maaresto Lunes ng madaling araw sa Caloocan City.

Kaagad inatasan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili ang kanyang mga tauhan nang makatanggap ng impormasyon mula sa Dagami Municipal Police Station sa Leyte na sa Caloocan City nagtatago ang pugante na naghahanap-buhay bilang vendor sa Brgy. Commonwealth sa Quezon City.

Lunes ng alas-4:30 ng madaling araw nang salakayin ng pinagsanib na puwersa ng District Special Operations Unit (DSOU) ng SPD, Dagami Municipal Police, at Service Support Division ng Intelligence Group (SSD-IG) ang tinutuluyang bahay ng pugante sa Brgy. Kaunlaran na nagresulta sa kanyang pagkakadakip.

Ayon kay BGen. Capili, nakatala bilang isa sa Most Wanted Person ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang akusado na may inilaang pabuya na P340,000.00 para sa sinumang makakapagturo sa kanyang kinaroroonan na magreresulta sa pagkakadakip.

Dinakip ang akusado sa bisa ng warrant of arrest na inilabas noong Agosto 17, 2022 ng Regional Trial Court (RTC) Eight Judicial Region Branch 15 ng Burauen, Leyte para sa kasong Murder na walang inirekomendang piyansa.

Pansamantalang ipiniit sa custodial facility ng NPD-DSOU ang akusado habang pino-proseso ang pagbabalik ng warrant of arrest sa hukuman sa Leyte na maglalabas ng kautusan para sa paglilipat sa kanya sa Provincial Jail ng Leyte province. (Edison de Jesus)

 

Share.