Arestado ang walong indibidwal na sangkot sa ilegal na droga sa magkahiwalay na buy-bust operations na isinagawa ng mga awtoridad sa Bulacan nitong Oktobre 28 at 29, 2026.

Ayon sa ulat ni P/Lt. Colonel Nelson M. Sardin, hepe ng SJDM CPS, naaresto ang isang 51-anyos na lalaki matapos ang isinagawang buy-bust operation ng City Drug Enforcement Unit ng SJDM CPS sa Brgy. San Rafael 2, City of San Jose Del Monte.

Ang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Sec. 5 at 11, Article II ng RA 9165 ay inaresto matapos magbenta ng isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu sa isang poseur-buyer kapalit ang marked money.

Sa isinagawang protective search sa suspek ay nakumpiska rin ang marked money at dalawa pang sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na tinatayang may limang gramo at may tinatayang halaga na humigit-kumulang Php 34,000.00.

Samantala, ayon sa ulat na isinumite ng mga hepe ng pulisya ng Norzagaray, Calumpit, Bocaue, Plaridel, at Paombong MPS, sa magkakahiwalay na drug-bust operations na isinagawa ng kani-kanilang Station Drug Enforcement Units ang nagresulta sa pagkakaaresto ng pitong drug pushers at pagkakasabat ng hinihinalang shabu na may tinatayang bigat na 9.8 gramo at halagang humigit-kumulang Php 67,000.00, at marijuana na may timbang na 33 gramo na may tinatayang halaga na Php 3,600.00, kasama ang buy-bust money.

Ang mga naarestong suspek at nakumpiskang ebidensiya ay dinala sa Bulacan Forensic Unit para sa kaukulang pagsusuri, habang inihahanda na ang mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) na isasampa laban sa mga suspek.

Binigyang-diin ni PColonel Jay B Baybayan, acting provincial director ng Bulacan Police Provincial Office, na ang patuloy na pagkakaaresto sa mga indibidwal na sangkot sa ilegal na droga ay patunay ng mas pinaigting ang kampanya ng Bulacan Police laban sa mga iligal na aktibidad.

Aniya pa, magpapatuloy ang kanilang mga operasyon laban sa ilegal na droga upang mapanatili ang kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan ng bawat mamamayan sa buong lalawigan ng Bulacan.(Danilo Gravador)

Share.