Inilayo ng Malakanyang si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa video statement ng kanyang pinsan na si dating House Speaker at Leyte Rep. Martin Romualdez kung saan itinatanggi ng huli na kontrolado niya ang usapin pagdating sa budget noong siya ay House Speaker at ang command responsbility ay mas nasa executive branch dahilan para magkaroon ng 2025 budget mess at infrastructure corruption scandal.
“Kung ano po ang magiging depensa sa mga maaaring pag-aakusa kay dating Speaker Romualdez ay kaniya pong depensa po iyon,” ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang
“At kung sinasabi niya po na ang executive ang may command responsibility, kaya nga po nagpautos ang Pangulo, hindi po tinulugan, walang pagko-cover up, pinaumpisahan po niya ang pag-iimbestiga para kung mayroon mang anomalya at kung sino iyong dapat na managot, dapat po na managot,” aniya pa rin.
Bukod dito, sinagot din ni Castro ang naging pahayag ni Romualdez na hindi nito matatanggap na lumabas na siya ay fall guy sa usapin ng korapsyon at budget anomaly.
“Kung ano po ang nararamdaman ni dating Speaker Martin Romualdez ay hindi po natin ito saklaw. Kung ang pag-iimbestiga po ay makakatulong mismo ang dating Speaker, mas gugustuhin po iyan ng pamahalaan, ng Pangulo para managot ang dapat na managot,” ani Castro.
At nang hingan ng impomasyon kaugnay sa relasyon sa pagitan nina Pangulong Marcos at Romualdez, ang sinabi ni Castro ay “aking personal na pagkakaalam, wala po akong nakita na sila po ay nag-usap. Sa aking pagkakaalam, kung ako ay tatanungin ninyo, wala po akong nakita nag-meet sila, nagkausap sila. Wala po.”
At kung paano naman niya ilalarawan ang relasyon ng magpinsan, ang naging tugon ni Castro ay “Wala po akong masasabi, hindi ko po sila nakikitang nag-uusap. So, hindi  ko rin po silang  nakikitang nagko-communicate, so wala po  akong masasabi patungkol diyan.”
Samantala, nauna nang itinanggi ni Romualdez ang anumang pagkakasangkot sa korapsyon kaugnay ng 2025 national budget sa isang video message nitong Martes.
Binigyang-diin ni Romualdez na hindi siya kabilang sa bicameral conference committee at small committee budget deliberations kung saan umano naganap ang mga insertion matapos ang proseso sa Senado at Kamara.
Gayunman, itinuro niya sina dating Senate President Chiz Escudero at dating House Appropriations Committee Chair Zaldy Co na aniya’y naging “instrumental” sa pagdedesisyon kaugnay ng budget.
Giit pa ng mambabatas, wala umanong ebidensyang magdidiin sa kanya sa kasong plunder o conspiracy to commit plunder, at iginiit niyang handa siyang ilahad sa publiko ang kanyang affidavit at mga supporting document.
Nanawagan din si Romualdez sa Office of the Ombudsman na pairalin ang rule of law at due process, at iginiit na ang imbestigasyon ay dapat nakabatay sa ebidensya at hindi sa public pressure.
======

Share.