Punumpuno ng pasasalamat si John Prats matapos muling makatrabaho ang dating ka-love team na si Heart Evangelista makalipas ang maraming taon.
Nagkasama muli ang dalawa bilang bida sa music video ng kantang “Teka Lang” ng TJ Monterde, bagay na ikinatuwa ng kanilang longtime supporters.
Sa Instagram, nagbahagi si John ng larawan nila ni Heart at sinamahan ito ng emosyonal na mensahe para sa aktres.
“Thank you Gummy Bear @iamhearte, for saying yes to this project. Sa totoo lang, hindi ko inakala na after so many years, makikita pa tayo ulit sa screen together. Hanggang ngayon parang surreal pa rin isipin,” saad niya.
Nagpasalamat din ang actor-director sa tiwalang ibinigay ni Heart at sa pagpayag nitong maging bahagi ng proyekto.
“Salamat sa tiwala at sa pagpayag na maging part ng project na ito. Ang daming memories ang bumalik, pero mas masaya na nakagawa tayo ng bago para sa mga taong sumubaybay sa atin noon,” dagdag pa niya.
Ayon kay John, espesyal ang reunion nilang ito dahil muling nabuhay ang mga alaala ng kanilang tambalan noong kasagsagan ng kanilang kasikatan.
Sa huli, inilarawan niya ang muling pagsasama nila bilang isang “full circle moment.”
“Grabe lang talaga si God. Full circle moment. #JoHeart,” pagtatapos ni John.

Share.