Nag-utos ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ng agarang imbestigasyon sa naging paghawak ng emergency 911 call para sa isang 71-anyos na pasyente sa Maharlika Village, Taguig.
Kasunod ito ng viral na post sa social media ng isang lalaki na humingi ng tulong sa 911 para sa kanyang ama na umano’y nangangailangan ng agarang medical assistance.
Bukod sa delayed na pagresponde, sinabi rin niya ang kakulangan sa kagamitan ng ambulansiyang tumugon sa insidente.
Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, batay sa paunang ulat ni DILG Emergency Call 911 Director Francis Fajardo, natanggap ng 911 ang tawag alas-12:15 ng tanghali noong Sabado, Agosto 15 na may kinalaman sa isang 71-anyos na pasyenteng umano’y nakaranas ng mild stroke at nangangailangan ng agarang ambulansiya.
Na-relay umano ang tawag sa Taguig Command Center dakong alas-12:17 ng tanghali.
Kinumpirma ng command center ang emergency at nangakong magpapadala ng ambulansiya.
Gayunman, sinabi ni Remulla na makalipas ang ilang oras ay wala pa ring kumpirmasyon kung aktuwal na na-dispatch ang ambulansiya o kung nakarating ito sa pasyente.
Nagkaroon umano ng follow-up ang 911 dakong 4:57 ng hapon at 5:56 ng hapon nguni’t wala pa ring malinaw na kumpirmasyon tungkol sa status ng ambulansiya.
Isa rin sa tinitingnan ng DILG ang posibleng problema sa shift handover at endorsement ng kaso.
Ayon kay Remulla, may indikasyon na maaaring hindi maayos na naipasa at na-monitor ang emergency matapos itong i-relay sa lokal na command center.
Ayon sa viral post ng lalaki, halos 10 minuto siyang tumatawag sa 911 pero walang sumasagot.
Nang may sumagot na raw ay puro “wait” ang natanggap niya.
“Rinig na rinig ko pa yung tawanan at chikahan habang may taong nangangailangan ng emergency assistance,” saad niya.
“Tapos inatake na ang tatay ko. Ako mismo ang nag-CPR sa kanya. Ang tagal kong nag-CPR habang hinihintay namin ang ambulansya. At nung dumating na ang ambulansya, walang AED. Walang sapat na gamit. Walang pumalit sa akin sa pag-CPR. Ako pa rin ang gumagawa ng CPR,” dagdag pa niya.

Share.