Nasawi sa pagkalunod ang 15-anyos na babae habang nailigtas naman ng mga rescuers ang kanyang mga kasama sa outing sa isang bahagi ng Pasonanca River sa Zamboanga City na biglang umapaw ang level ng tubig sanhi ng rumaragasang tubig baha dulot ng malakas na ulan sa kapaligiran nitong hapon ng Sabado, July 18.
Sa pahayag nitong Lunes ng mga kawani ng Zamboanga City Disaster Risk Reduction and Management Office at ng mga local executives na nagresponde sa insidente, ang nasawing estudyanteng si Natalie Ramos at kanyang mga kasama ay nagpaalam sa kanilang mga magulang na isang school activity ang kanilang pupuntahan upang mailihim ang kanilang planong mag-swimming sa isang parte ng Pasonanca River sa Barangay Pasonanca.
Ayon sa mga barangay officials, ang paulit-ulit na ulan sa mga kabundukan kung saan nagmumula ang tubig na dumadaloy sa Pasonanca River ang siyang dahilan ng pag-apaw nito habang naliligo doon sila Ramos at kanyang mga kasama.
Nagawa ng ilan sa kanila ang lumikas sa mga mataas na lugar habang ang iba ay kumapit sa mga tuyong punongkahoy na inanod ng tubig baha kaya sila nakaligtas sa pagkalunod.
Nagtulungan sa naturang rescue operations ang mga miyembro ng Bureau of Fire Protection, mga pulis, mga barangay officials at mga kawani ng Zamboanga City Disaster Risk Reduction and Management Office.
Kabilang sa mga tumugon at tumulong sa naturang rescue operations ang mayor mismo ng Zamboanga City na si Khymer Olaso.
======

Share.