Sinimulan nang imbestigahan ng Land Transportation Office (LTO) ang driver at cement tanker na sangkot sa malagim na aksidente sa Doña Remedios Trinidad (DRT), Bulacan na ikinasawi ng tatlong sakay ng motorsiklo noong hatinggabi ng Nobyembre 16.

Sa ulat mula kay PMajor Jayson M Viola, hepe ng DRT Municipal Police Station, ang mga nasawi ay kinilalang sina alyas France, 30; alyas Adrian, 19; at alyas Jericho, 19 na pawang mga residente ng Sitio Buasao, Barangay Sapang Bulak, sa bayan ng Doña Remedios Trinidad.

Napag-alamang lulan ang mga biktima ng isang itim na Honda Click na may plakang 276NQD at bumabagtas sa M. Valte Road, Barangay Camachile, Doña Remedios Trinidad, bandang alas-12:10 ng madaling araw nang mabangga sila ng puting trailer truck na may plakang NBQ 4598 na minamaneho ng isang alyas Percival.

Iniulat ng mga rumespondeng pulis na dahil sa lakas ng pagbangga ay tumilapon ang mga sakay ng motorsiklo sa kalsada at idineklara ng mga rescue responder mula sa municipal disaster risk reduction management office na dead-on the spot ang mga ito.
Nagmamadali namang tumakas ang driver na minamaneho pa rin ang cement tanker mula sa pinangyarihan ng insidente habang kaladkad pa rin nito ang motorsiklo.

Kalaunan, napahinto ito sa checkpoint ng mga barangay tanod sa Barangay Akle, bayan ng San Ildefonso hanggang maaresto ang drayber at isinuko sa mga pulis na humahabol sa kanya.
Ang driver ng trak ay nasa kustodiya na ngayon ng DRT MPS at nahaharap sa mga kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide at damage to property.

Kaunod nito ay naglabas na ng show-cause order ang LTO laban sa driver at operator ng trak na paso na pala ang rehistro noon pang 2024.
Ipinag-utos din ng LTO ang 90-day preventive suspension sa lisensya ng driver habang diringgin ang kasong reckless driving laban sa kanya sa Disyembre 1.(Danilo Gravador)

Share.