ARESTADO ang 32-anyos na lalaking tambay na wanted sa pangma-manyak ng menor-de-edad na biktima sa Marikina City nang mabistong nagtatago sa isang bahay sa Caloocan City noong Biyernes ng gabi.
Pinangunahan ng mga tauhan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili ang pagdakip kay alyas “Karyo” dakong alas-8:00 ng gabi matapos na ituro ng impormante ang kanyang tinutuluyang bahay sa Barangay 177 Camarin, North Caloocan.
Nagtangka pang pumalag si alyas Karyo pero wala ring nagawa nang isilbi sa kanya ng mga operatiba ng District Special Operations Unit (DSOU) ng NPD ang warrant of arrest na inilabas ng Marikina City Regional Trial Court (RTC) Branch 168 para sa kinakaharap niyang kasong Statutory Acts of Lasciviousness na may katapat na piyansang P180,000.00 para sa pansamantalang paglaya.
Bilang pagtalima naman sa panuntunang ipinaiiral ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) sa pagsasagawa ng lehitimong police operation, gumamit ang mga operatiba ng Alternative Recording Device (ARD) upang mai-dokumento ang operasyon.
Pinapurihan naman ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Officer-in-Charge P/BGen. Christopher Abrahano ang mabilis na aksiyon ng NPD sa pagdakip sa akusado na pansamantalng nakapiit muna sa Custodial Facility ng NPD habang hinihintay ang utos ng korte sa paglilipat sa kanya sa Marikina City Jail. (Edison de Jesus)

