NADAKIP ng pulisya ang apat na kawatan, kabilang ang isang babae, na nanloob at tumangay sa mga gadget ng isang barangay hall araw ng Biyernes sa Navotas City.
Inabutan pa ng 60-anyos na tauhan ng barangay ang mga suspek sa loob ng Barangay Hall ng North Bay Boulevard North (NBBN) sa Pescador II St. dakong alas-7:00 ng umaga habang papalabas na, bitbit ang apat na laptop.
Tinangka pang pigilan ng tauhan ng barangay ang isa sa mga suspek subalit tumulong ang tatlo nitong kasama at tinulak ang matanda kayat nakatakas ang mga kawatan.
Sa follow-up operation ng mga tauhan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili na pinangunahan ni Navotas police chief P/Col. Renante Pinuela, isa-isang nadakip ang mga suspek dakong alas-2:00 ng hapon, kabilang ang 21-anyos na babae, at tatlo niyang kasabuwat na may edad na 22, 23, at 25 sa magkakahiwalay na lugar sa Lungsod ng Malabon at Navotas.
Nabawi ng mga pulis sa mga suspek ang dalawangLenovo laptops, isang Acer laptop, at isang HP laptop, na may kabuuang halagang P150,000.
Nagpa-abot naman ng papuri kay BGen. Capili at P/Col. Pinuela si National Capital Region Police Office (NCRPO) Acting Director P/BGen. Christopher Abrahano sa mabilis na pagkakadakip sa mga suspek at pagkabawi sa gamit ng barangay na kanilang tinangay. (Edison de Jesus)

