SINAMANTALA ng 33-anyos na sidecar driver ang mahimbing na pagkakatulog ng kanyang stepdaughter nang halayin sa loob ng silid ng kanilang tirahan noong Martes ng gabi sa Navotas City.

Hindi kaagad nakapagsumbong ang biktimang itinago sa alyas “Marie” dahil sa binitiwang pagbabanta ng amain subalit nang makakita ng pagkakataon noong Huwebes ng alas-2:30 ng hapon, isinumbong niya sa kapitbahay ang ginawang panghahalay sa kanya ng suspek.

Kaagad namang sinamahan ng kanyang kapitbahay ang biktima sa Northern NCR Maritame Police Station sa Navotas Fish Port Complex sa North Bay Boulevard North na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek na si alyas “Roberto” sa terminal ng mga sidecar sa gate ng naturang complex pasado alas-4:00 ng Huwebes ng hapon.

Nang dalhin sa headquarters ng Maritime Police, inamin ng suspek ang panghahalay sa stepdaughter at ikinatuwiran na nasa impluwensiya umano siya ng alak nang gapangin ang dalagita habang natutulog noong Martes ng gabi sa kanilang tinitirhang bahay sa loob ng fishport complex.

Nakatakda ng kasuhan ng pulisya ng Statutory Rape sa ilalim ng inamyendahan ng R.A. 8353 o ang New Anti-Rape Law at paglabag sa R.A.7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act ang suspek sa Navotas City Prosecutor’s Office. (Edd De Jesus)

 

Share.