Nakatakdang pagtibayin ng House Committee on Justice ngayong Lunes ng umaga, Mayo 4, ang committee report na nagtatakda ng probable cause para i-impeach si Vice President Sara Duterte.
Kasabay ang approval ng committee report ay iaakyat na sa plenaryo ang Articles of Impeachment.
Ayon kay House Committee on Justice Chairperson Rep. Gerville Luistro, nakabatay ang report sa “forensic truth” o mga dokumentadong ebidensya.
“Natapos na ng komiteng ito ang tungkulin sa ilalim ng Konstitusyon na magtakda ng probable cause base sa mga ipinakitang ebidensya,” pahayag ni Luistro.
Sentro ng nasabing report ang mga alegasyon ng maling paggamit ng mahigit P612.5 milyong confidential funds, kabilang ang P125 milyon na nagastos umano sa loob lamang ng 24 oras.
Binanggit din sa imbestigasyon ang natuklasang “envelope system,” mga kaduda-dudang resibo at mga pekeng pangalan ng mga benepisyaryo na kinumpirma ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Bukod sa isyu ng pondo, tinalakay din ang unexplained wealth ni Duterte matapos iulat ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang mahigit ₱6.7 bilyong kahina-hinalang transaksyon na kinasasangangkutan ng Bise Presidente at ng kanyang asawa, sa kabila ng idineklara nitong net worth na ₱88 milyon.
Isinama rin bilang basehan ang naging banta ni Duterte noong Nobyembre 23, 2024, laban sa buhay nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating Speaker Martin Romualdez.
Ayon sa National Bureau of Investigation (NBI), ang mga pahayag na ito ay pasok sa krimeng inciting to sedition at grave threats.
Binigyang-diin ni Luistro na ang prosesong ito ay hindi tungkol sa pulitika kundi tungkol sa pagpapatupad ng Konstitusyon at pananagutan sa publiko.
Kapag naaprubahan ang Articles of Impeachment ng hindi bababa sa one-third ng lahat ng miyembro ng Kamara, agad itong ipapadala sa Senado na tatayo naman bilang isang Impeachment Court.
Trending
- Hunyo idineklarang “Judiciary Month” ni PBBM
- ‘Pinas tinanggal ban sa Belgian poultry
- Ping Lacson aminadong naisip mag-resign sa Senado
- Pia Cayetano nangumusta, naka-move on na sa pagiging emosyonal sa Senado
- DOH todo bantay sa mga border ng bansa vs Ebola
- US green card seekers kailangan nang mag-apply mula sa home country
- PBBM, pinalakas ang ugnayan ng Pilipinas sa Global Development Programs
- Jacamos sasabak para sa bakanting WBC Youth World junior fly sa South Africa

