Paiigtingin ng Philippine National Police (PNP) ang pagmomonitor sa mga pangunahing bilihin at iba pang produkto sa mga pamilihan at grocery matapos tiyakin ng mga manufacturer na mananatiling walang dagdag-presyo ang kanilang mga produkto hanggang Abril 30.
Ayon sa PNP, alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Interior Secretary Jonvic Remulla na mapanatili ang katatagan ng presyo sa gitna ng pandaigdigang kawalang-katiyakan at pagtaas ng presyo ng langis.
Sa pahayag, sinabi ni PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na palalakasin ng pulisya ang presensya nito sa mga lokal na pamilihan at grocery upang bantayan ang presyo ng mga essential products.
“Your PNP remains committed to assist the DTI (Department of Trade and Industry) in protecting the interest of the consumers. We are intensifying our monitoring measures to make sure that retailers and manufacturers will not impose unauthorized price increase on basic goods,” ani Nartatez.
Nagbabala rin siya na mananagot sa ilalim ng batas ang sinumang mapatutunayang lumalabag.
“Profiteering and price manipulation will not be tolerated amid the challenges we are in. Hahabulin namin ang sinumang lalabag dito,” dagdag niya.
Nauna nang inihayag ng Department of Trade and Industry (DTI) na pananatilihing hindi gagalaw ang presyo ng mga manufacturer upang makatulong sa mga consumer na apektado ng sigalot sa Middle East.
Saklaw ng price freeze ang 205 produkto na nasa ilalim ng DTI stock-keeping units, kabilang ang canned goods, tinapay, bottled water, kandila, at detergent. Sinabi rin ng DTI na sapat ang umiiral na imbentaryo sa mga supermarket at grocery kaya walang kinakailangang agarang logistical adjustments.

Share.