BINUKSAN ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ng Lunes (Oktubre26) ang kauna-unahang OWWA Kasanayan at Kabuhayan Center (OKKC) sa Intramuros, Manila.

Handog ng pamahalaan ang sentrong mag-uugnay ng pagsasanay, assessment at certification, employment facilitation, at tulong sa pagnenegosyo. Nakaayon ito sa tatlong haligi ng National Reintegration Network na pinangungunahan ng NRCO: Kalinga, Kaalaman, at Kabuhayan.

Magbibigay ang OWWA ng allowance sa mga kwalipikadong kalahok sa pamamagitan ng Alagang OWWA Step UP – BOOST upang makatulong sa kanilang mga pangangailangan habang nagsasanay.

Magtatatag din ang NRCO ng JobsConnect sa OKKC, katuwang ang DMW, DOLE, PESO, at pribadong sektor.

Sa pamamagitan nito,maeendorso ang mga kwalipikadong aplikante sa mga bakanteng trabaho sa ilalim ng government-to- government (G2G) arrangements ng DMW, mga job order ng private recruitment agencies, at mga oportunidad sa trabaho sa pamamagitan ng PESO.

Pinangunahan nina OWWA Administrator Patricia Yvonne “PY” Caunan at TESDA Secretary at Director General Jose Francisco “Kiko” B. Benitez ang blessing at partnership signing ceremony. Dumalo rin si DMW Assistant Secretary Francis Ron C. De Guzman, kasama ang mga kinatawan ng NRCO at iba pang katuwang.

“Ang gusto natin, hindi lang sila sanayin kundi tulungan din silang magkaroon ng direksiyon pagkatapos ng training. Hindi lang certificate na maiuuwi, kundi kasanayang magagamit para makahanap ng trabaho, makapagsimula ng negosyo, at magkaroon ng mas matatag na kabuhayan,” ani Administrator Caunan.

Sa nilagdaang MOA, magsisilbing satellite office at training facility ng TESDA Manila Training and Assessment Center ang OKKC.

Pangungunahan ng TESDA ang training, assessment, at certification, habang ilalaan ng OWWA ang pasilidad at ieendorso ang mga kwalipikadong benepisyaryo.

Inihahanda ang language training, caregiving,housekeeping, barista at bartending,bookeeping, food processing and packaging, e-commerce, online selling, virtual assistance, artificial intelligence, at programming. Kabilang sa mga industry partner ang Nexplay, Launchgarage, TikTok Philippines, at Thames International upang maiugnay ang pagsasanay sa mga oportunidad sa trabaho at negosyo.

Plano rin ng OWWA na magtatag ng mga OKKC sa mga rehiyon. Patuloy naman ang training sa OWWA OFW Global Centers sa Hong Kong, Taipei, at Kuala Lumpur, gayundin ang overseas assessment ng TESDA, upang makapaghanda ang mga OFW para sa kanilang kinabukasan habang nasa abroad pa lamang.
(Gina Garcia)

 

Share.