Inaresto ang pitong katao nang salakayin ng National Bureau of Investigation – National Capital Region (NBI-NCR) ang isang illegal online gambling operation na pinatatakbo sa isang bahay sa Silang, Cavite.
Ayon kay NBI-NCR Regional Director Atty. Emeterio Dongallo, nagsimula ang operasyon nang ma-monitor ng cyber investigators ng ahensya ang mga kahina-hinalang aktibidad online na may kaugnayan sa illegal online gaming, partikular ang online sabong at iba pang uri ng sugal.
Sa isinagawang cyber monitoring at surveillance, natukoy ng NBI ang lokasyon ng operasyon sa Silang.
Matapos makakuha ng cyber warrant, isinagawa ang pagsalakay sa lugar kung saan naaktuhan ang mga suspek na umano’y aktwal na nagpapatakbo ng illegal online gambling activities.
Nakuha sa loob ng bahay ang nasa 15 computers at iba pang gadgets na ginamit umano sa operasyon.
Isinailalim agad sa cyber forensic examination ang mga kagamitan at nakumpirma ng forensic agents ng NBI na may kaugnayan umano ang mga ito sa illegal online sabong at gambling activities.
Ipinaliwanag ng NBI-NCR ang paggamit ng grupo ng mga gadget at online platforms upang palabasin umano na lehitimo ang kanilang operasyon.
Ayon sa ahensya, minamanipula umano ang resulta ng mga pustahan kaya wala umanong tunay na pagkakataon ang mga tumataya na manalo.
“May online sabong na pinapakita, pero actually gawa-gawa lang nila. Tataya ka, makikita nila kung ilan ang taya at magkano, tapos mina-manipulate nila ang resulta. Kung sino ang maraming taya, matatalo,” sabi ng ahensya.
Tinatayang umaabot sa milyon-milyong piso kada araw ang kinikita umano ng grupo mula sa dami ng transaksyon gamit ang mga paraan tulad ng electronic payments at iba pang financial platforms.
Ayon sa NBI, karamihan sa mga naaresto ay nasa edad 18 hanggang 22 at ilan sa kanila ay may background sa information technology.
Gayunman, sinabi ni Dongallo na iniimbestigahan pa nila ang umano’y malaking grupo o sindikatong nasa likod ng operasyon.
Ayon pa sa NBI, ang mga umano’y mastermind hindi pa nahuhuli. Patuloy pang tinutukoy ang kanilang pagkakakilanlan.
Lumalabas sa paunang imbestigasyon na ang ilan sa mga pinaghihinalaang nasa likod nito ay magkakamag-anak. Tinitingnan din ng NBI ang posibleng koneksyon ng grupo sa dating POGO-related activities.
Ayon kay Dongallo, may ilang sangkot na umano’y dating nagtrabaho sa kaparehong modus na pinatatakbo ng mga dayuhan bago ipagbawal ang POGO operations sa bansa.
Kinasuhan ang pitong naaresto ng illegal gambling sa ilalim ng Presidential Decree 1602 in relation to Republic Act 10175 o Cybercrime Prevention Act.
Trending
- Faith healer patay sa saksak habang tulog
- 2 patay, 4 sugatan sa salpukan ng SUV at trak
- Estudyante sa Iloilo pinagagamit na ng transparent bag
- 4 patay sa sunog sa Pasay
- Ipinao-overhaul ang MMDA para sa trapiko, baha, basura
- Panibagong bugso ng habagat, asahan sa susunod na linggo
- Brgy. tanod sa iskul, isinusulong bilang dagdag-seguridad!
- Sept. 14 : special non-working day sa BARMM

