Bunga ng pinaigting na kampanya laban sa ilegal na droga, tatlo bagitong nagtutulak ng droga ang nadakip ng Quezon City Police District (QCPD), alinsunod ng pinaiiral na Enhanced Managing Police Operations (EMPO).

Kinilala ang mga suspek na sina alyas “Abdul Ibrahim,” 47 taong gulang, at alyas “Jojo Papa,” 29 taong gulang, kapwa residente ng Brgy. Pasong Tamo; at si alyas “Marvin,” 36 taong gulang, residente ng Tandang Sora, QC.

Sa ulat kay QCPD Director, PBrig. Gen. Randy Glenn Silvio, ang tatlong naaresto ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) ay  kabilang sa listahan ng mga bagong kilalang tulak.

Ayon kay DDEU chief, PMaj. Jacinto Pascual IV, ikinasa ang anti-illegal drug operation laban sa tatlo sa tulong ng Philippine Drug Enforcement Agency–National Capital Region (PDEA-NCR) nitong Hunyo 17, 2026, bandang 8:50 ng gabi sa Roque 1 Extension, Brgy. Pasong Tamo, QC.

Nasamsam mula sa mga suspek ang 50 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P340,000, isang Redmi cellphone, isang itim na pitaka ng barya, isang motorsiklong Yamaha Mio 125, at ang perang ginamit sa buy-bust.

Nang iberika sa Investigation Solution Automatic Verification (ISAV) system, lumabas na si Marvin ay nakasuhan sa paglabag sa Republic Act No. 9262 (Violence Against Women and their Children Act) habang si Jojo Papa naman ay nakasuhan na din ng paglabag sa Acts of Lasciviousness at paglabag sa Republic Act No. 9165.

Kakasuhan ang mga suspek ng paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng Republic Act No. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).

“Patuloy ang QCPD sa paggiba sa talamak na droga at sa pakikipagtulungan sa iba pang ahensya at sa mamamayan para mapanatiling ligtas at malinis sa droga ang Lungsod Quezon,” pahayag ni Silvio. 

Share.