Nasawi ang dalawang katao nang sumalpok sa ilalim ng isang dump truck ang isang Yamaha NMAX na sakay ang dalawang lalaki sa National Highway sa Barangay Jilocon, San Jose, Miyerkules ng madaling-araw, Agosto 12, 2026.
Kinilala ang mga nasawi na sina John Lawrence Ramirez, 25, residente ng Tanjay City, Negros Oriental; at backrider na si Sam John Sardido, 23, residente ng Barangay Canlargo, Bais City.
Batay sa paunang imbestigasyon ng San Jose Municipal Police Station, nagtangkang mag-overtake ang rider sa isang motorsiklo.
Pagsapit sa kurbadang bahagi ng kalsada, umano’y napunta ito sa kabilang lane at nawalan ng kontrol hanggang sa dumulas ang motorsiklo at tuluyang napunta sa ilalim ng paparating na dump truck.
Ang dump truck na Howo Sinotruk na may plakang NFX 6620 ay minamaneho ni Mark Emberador Cadayday, 26, residente ng Barangay Dansulan, Bais City.
Agad na rumesponde ang mga tauhan ng San Jose MPS at Local Disaster Risk Reduction and Management Office.
Gayunman, idineklarang dead on arrival sa pagamutan ang driver at backrider ng motorsiklo.
Boluntaryong sumuko sa pulisya ang driver ng dump truck at kasalukuyang nasa kustodiya habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Nahaharap umano siya sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide and Damage to Property.
Nasa kustodiya rin ng San Jose Municipal Police Station ang dalawang sasakyan para sa karagdagang imbestigasyon at dokumentasyon ng insidente.
====

Share.