Umaabot sa dalawa hanggang tatlong pulgada ang naiwang abo sa bayan ng Camalig, Albay sa pag-alboroto ng Bulkang Mayon, ayon kay Mayor Caloy Baldo.
Inihayag ni Baldo na 16 sa 50 barangay ng Camalig ang apektado ng ashfall.
“Mga 2 to 3 inches ‘yung naipon na mga abo. ‘Yun talaga ang pinoproblema namin na kahit inulan na kagabi, nandoon pa rin ‘yung ashfall na dinulot ni Mayon,” anang alkalde.
“Delikado ito kung basa, madulas sa kalsada. Kung tuyo naman, maalikabok talaga,” saad pa ni Baldo.
Dagdag pa niya, “Kahit tapos na ang ashfall, ‘pag lumalakas ang hangin, nagsisibabaan din at nagsisiikutan pa rin ang mga abo galing sa mga puno.”
Samantala, bilang tugon ng lokal na pamahalaan, namahagi na ito ng mga food pack habang patuloy ang konsultasyon sa mga residente kung ano ang mga pangangailangan nila.
Tiniyak din ni Baldo na patuloy ang clearing operations sa abo ng mga awtoridad para sa kaligtasan ng publiko.

Share.