Pinaghahana[ ang isang lisensyadong Pilipinong physical therapist ng mga awtoridad sa United States kaugnay ng Medicare at Medicaid fraud scheme na nagkakahalaga ng USD18.4 milyon o may katumbas na P1.1 bilyon.
Kinilala ng US Department of Health and Human Services Office of Inspector General (HHS-OIG) ang pugante na si Conrado Lopez Jr., umano’y may-ari ng Total Rehab sa Brooklyn, New York.
Umamin umano si Lopez sa pagpirma ng mga backdated medical records at pakikilahok sa naturang fraud.
Batay sa HHS-OIG, sinabi ni Lopez na nagsumite ang kanilang klinika ng reimbursement claims para sa mga serbisyong hindi naibigay, hindi medical necessary, hindi sapat ang supervision, o isinagawa ng mga taong walang lisensya.
Inamin din umano niyang pumirma siya ng mga backdated medical records o superbills para sa mga araw na wala siya sa US at nasa bakasyon, kahit alam niyang mali ito.
Ayon sa mga awtoridad, mula Marso 2009 hanggang Nobyembre 2011, umabot sa tinatayang USD18.4 milyon ang mga umano’y mapanlinlang na reimbursement claims na isinumite sa Medicare at Medicaid.
Sa halagang ito, tinukoy si Lopez bilang rendering provider sa mga claim na nagkakahalaga ng humigit-kumulang USD2.8 milyon, o may katumbas na P172 milyon.
Inihayag pa ng HHS-OIG na posibleng nasa Maynila sa Pilipinas o sa United Arab Emirates si Lopez.
Inilabas na rin ng ahensya ang larawan ni Lopez at humihingi ng impormasyon mula sa publiko na maaaring makatulong sa kanyang pagkakaaresto.

Share.