Aminado si Vice Ganda na napapagod din siya sa walang tigil na pagtatrabaho bilang breadwinner ng kanilang pamilya.
Pero sinabi niyang mas matimbang pa rin ang pagmamahal niya sa kanyang mga mahal sa buhay kaysa sa anumang pagod na kanyang nararamdaman.
Sa kanyang vlog na “My Unkabogable Breadwinner Story,” ibinahagi ng TV host-comedian na malaking inspirasyon para sa kanya ang suportang natatanggap niya mula sa kanyang pamilya.
“As a breadwinner of the family, masarap sa puso na maramdaman mo na ‘yung mga taong dahilan ng pagsusumikap mo, pagtatrabaho mo nang husto, ng pagkakaroon mo ng pangarap, eh talagang sumusuporta sa ‘yo,” pahayag ni Vice.
Aniya, masuwerte siya dahil hindi siya nag-iisang lumalaban at ramdam niya ang pasasalamat ng kanyang pamilya.
“Ako, I’m so blessed because my family has always been a very supportive, grateful family. Mula sa nanay ko, hanggang sa lahat ng mga kapatid ko. Hanggang sa mga pamangkin ko,” dagdag niya.
Bagama’t masaya siyang tumutulong sa pamilya, inamin niyang tao rin siya at nakararanas ng pagod.
“Nakakaramdam din naman ako ng pagod, kasi tao naman ako. Hindi naman ako totoong kabayo. Mukha lang akong horse, pero tao naman ako. Napapagod din naman ako. At saka hindi naman ako AI (artificial intelligence). Hindi rin ako robot, hindi rin ako makina, hindi rin ako computer,” biro ni Vice.
Gayunpaman, sinabi niyang mas nangingibabaw pa rin ang kanyang pangarap para sa pamilya.
“Pero ang laking bagay nu’ng pagmamahal at suportang nakukuha ko sa pamilya ko para mas maramdaman ko ‘yun kaysa du’n sa pagod. Kasi, mas malala ‘yung pangarap ko kaysa du’n sa pagod,” paliwanag niya.
Patuloy pa rin daw siyang magsisikap upang matulungan ang kanyang pamilya at mabigyan sila ng komportableng buhay.
“’Yung dahilan kung ba’t ako napapagod, mas malaki siya, kaysa du’n sa pagod. Kaya napapagod man ako, pero hindi ko masyado inaalintana, kasi nga ano ako, eyes on the prize, gano’n! Nasa isip ko, kailangan, umayos ang buhay ng pamilya ko. Kailangan, habang tumatanda ‘yung nanay ko, sumaya siya. Habang tumatanda siya, masaya lang siya every day. ‘Yung mga kapatid ko, ganu’n din. Kailangang habang umaasenso ako, umaasenso rin ‘yung mga kapatid ko,” aniya.
Nilinaw rin ni Vice na kusa niyang piniling maging sandigan ng kanyang pamilya.
“No one designated me to be the breadwinner. It was my own will to help the family,” paglilinaw niya.
====

Share.