NASUGATAN ang magkasintahan nang holdapin ng apat na armadong suspek na sakay ng dalawang motorsiklo noong Lunes ng madaling araw sa Caloocan City.

Nito lang araw ng Miyerkules, Oktubre 21, nagsumbong ang mga biktima sa pulisya matapos magpasiyang umuwi muna dahil sa sinapit na trauma at magpagaling na rin ng tinamong mga sugat.

Batay sa tinanggap na ulat ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, naglalakad ng pauwi ang 22-anyos na college student at 20-anyos niyang working student na kasintahan dakong alas-2:20 ng madaling araw sa San Diego St. Brgy. 88 nang sumulpot ang mga suspek na sakay ng dalawang motorsiklong Yamaha Aerox at itim na Yamaha Mio MXi.

Bumaba ang dalawang naka-angkas at nagdeklara ng holdap habang hawak ang baril at patalim at pilit na hinablot ang hawak na bag ng lalaki na nagpumiglas hanggang sa matumba sa kalsada.

Tinangka namang tumakbo ng babae upang humihingi ng tulong subalit hinabol siya ng isang suspek na nakasuot ng hoodie at nang madapa ay puwersahang kinuha ang dalang cellphone.

Napilitan namang ibigay ng lalaki ang bag na naglalaman ng isang Apple iPhone 15, isang Apple iPad A16, ₱4,000 cash, wallet, identification cards, ATM card, at ang Jollibee uniform ng dalagang biktima na may kabuuang halagang P100,000.00 nang ambaan siyang sasaksakin ng suspek.

Tumakas ang mga suspek patungong 11th Avenue nang makuha ang mga gadgets, salapi, at personal na gamit ng magkasintahan, habang kapuwa naman nagtamo ng sugat sa braso, tuhod, at kamay ang mga biktima.

Ilang minuto lang ay nabawi ng magkasintahan ang bag na iniwan na sa hindi kalayuang lugar ng mga suspek na ang tanging laman na lang ay notebook at uniporme ng dalaga.

Nirerebisa na ng pulisya ang kuha ng CCTV ng barangay na nakahagip sa pangyayari para matukoy ang pagkakakilanlan at agad madakip ang mga suspek. (Edison de Jesus)

Share.