Matapang na hinarap ng singer-comedienne-host na si Tuesday Vargas ang mga netizen na bumatikos at nangutya sa kaniyang pagho-host ng Bingo events bilang bahagi ng kaniyang mga raket.
Sa isang social media post, ibinahagi ni Vargas na umabot sa daan-daang reaksyon—kabilang ang panlilibak, ang isang post tungkol sa kaniyang pagho-host.
Ayon sa kaniya, sa halip na ma-discourage, mas pinili niyang pahalagahan ang suporta ng mga dumalo sa event, partikular ang mga inang lumapit at nagpasalamat sa saya na naibigay niya.
“Pinagtatawanan ng 208 na tao sa isang post ang pag ho host ko ng BINGO. Ang ganda nung event kaya kasi ang daming mababait na loyal customers ng hotel na kinausap talaga ako after ng show. Mga mommy na nag sasabi napapasaya ko sila at pinapalakas loob ko na lumaban. Pero imbes na masaya kayo para sa akin nakuha nyo pa akong libakin at pagtawanan?” aniya.
Gayunpaman, hindi niya naiwasang kuwestiyunin ang mga netizen na piniling pagtawanan ang kaniyang trabaho.
Iginiit din ng artista na walang dapat ikahiya sa marangal na trabaho, anuman ito.
Sa kabila ng mga batikos, nanindigan si Vargas na proud siya sa kaniyang ginagawa at patuloy siyang magsusumikap para sa kaniyang pamilya.
“Bakit ikinakahiya nyo ang trabaho ko? Ako nga may dignidad akong humaharap sa tao dahil yang hiya hiya ay di nakaka bili ng bigas. So tawagin nyo na ako kung anong gusto nyo. All I know is that I am good at my job and I love what I do, I will forever be grateful for it,” aniya.
Binigyang-diin din niya ang kaniyang pagiging ina bilang pangunahing dahilan ng kaniyang pagsisikap.
“You will not succeed in making me feel ashamed of my hustle. Maninindigan ako laban sa inyo kasi lagi nyo akong kinukulata ng batikos habang kayo mismo nag darahop sa hirap. Hindi po ako ganyan. Nanay ako at paparaan ako para sa mga mahal ko, kaya kayo na pinagtatawanan ako ang masasabi ko ay Wala kayong 100k! Hahaha,” aniya.
Umani naman ng halo-halong reaksyon mula sa netizens ang kaniyang pahayag, may ilan na nagpahayag ng suporta at paghanga sa kaniyang pagiging matatag, habang ang iba ay nagpatuloy sa pagbibigay ng kani-kanilang opinyon sa usapin.

Share.