Nasagip ang tatlumpu’t dalawang residente ng Philippine Coast Guard (PCG) matapos sumiklab ang malaking sunog sa dalampasigan ng Purok 2, Barangay Sangali, Zamboanga City, Biyernes ng madaling araw, Agosto 14, 2026.
Nagsimula ang insidente 1:00 ng madaling araw.
Agad na rumesponde ang Coast Guard Sub-Station Sangali sa pangunguna ni Ensign Razia H. Añoso, PCG, matapos makatanggap ng ulat hinggil sa sunog.
Gamit ang mga water asset, kabilang ang AB-263 at rubber boat ng MCS-3004, mabilis na inilikas ng PCG ang 32 residente mula sa baybayin patungo sa ligtas na bahagi ng pampang, malayo sa mabilis na kumakalat na apoy.
Walang naitalang nasaktan sa isinagawang rescue operation, at matagumpay na nailigtas ang lahat ng residente.
Tumulong din ang PCG sa Bureau of Fire Protection (BFP) sa pagpuksa ng apoy sa pangunguna ni Fire Inspector Garipole Dagalea, BFP.
Matapos ang halos apat na oras na operasyon, idineklarang fire out ang sunog dakong alas-3:50 ng madaling araw.
Matapos ang rescue operation, ligtas na ipinagkatiwala sa mga opisyal ng Barangay Sangali ang mga nailigtas na residente upang mabigyan ng kinakailangang paunang tulong at suporta.
Ayon sa PCG, bahagi ng kanilang mabilis na pagtugon ang patuloy na pagpapatupad ng Intensified Community Assistance, Awareness, Response, and Enforcement (iCARE), katuwang ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan para sa proteksyon ng buhay at kaligtasan ng publiko.
====

