Sugatan ang isang miyembro ng 6th Marine Battalion ng hindi sinadya, malinaw na aksidenteng pagkakabaril ng kasama habang nasa kanilang tulugan sa kanilang battalion headquarters sa Barangay Rosary Heights 9 sa Cotabato City nitong umaga ng Martes, September 2.

Sa ulat ng Cotabato City Police Office, inaayos ni Corporal Noe Felization Mama, Jr. kanyang mga gamit at nag-load ng kanyang MFR 56 rifle na kanyang aksidenteng nakalabit kaya pumutok habang nakatutok sa dingding ng kanilang bunker at tumagos sa manipis na dingding nito, tumama sa tagiliran ng 38-anyos na kasamang si Sgt. Gerald Ejemplar.

Si Corporal Mama at si Sgt. Ejemplar ay mga taga Barangay Poblacion sa Sta. Josefa sa Agusan del Sur sa Region 13, at Barangay Nilidan sa Kalamansig, Sultan Kudarat sa Region 12.

Silang dalawa ay mga kasapi ng 6th Marine Battalion ng 1st Marine Brigade ng Philippine Navy na may units sa Cotabato City at Maguindanao del Norte.

Si Ejemplar, nagtamo ng tama ng bala sa kaliwang tagiliran, ay kasalukuyang ginagamot na sa Cotabato Regional Medical Center na hindi kalayuan sa kanilang battalion command post kung saan naganap ang insidente.

Makikita sa mga larawan ang sleeping quarters sa loob ng battalion command post ng 6th Marine Battalion kung saan naganap ang insidente at isang visual aid photo ng uri ng combat rifle na aksidenteng pumutok na nagresulta sa pagkakasugat ng isang miyembro ng naturang unit.

Ang isang MFR 56 ay may dual ammunition feeding system — maaring gamitan ng magazine, o 5.56-millimeter ammunition link. Ang naturang combat rifle ay isa sa mga pinakabagong karagdagang firepower na na-acquire mula sa pamahalaan ng mga tropa ng Philippine Marines na sakop ng Philippine Navy.

Share.