Pinaghahanda ang mga senador na maaaring magsilbing hukom sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte kaugnay ng posibleng pagpapadala ng kaso mula sa House of Representatives.
Sinabi ni Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III na nakipagpulong siya sa ilang miyembro ng mayorya upang talakayin ang usapin.
“I just wanted to give my colleagues a heads up on the possibility of receiving the Articles of Impeachment from the [House of Representatives]. It’s best that we prepare for it as senator-judges,” ani Sotto sa mga mamamahayag.
Nilinaw niya na ang ginanap na dinner meeting ay hindi caucus at hindi rin opisyal na pagtitipon, at inimbitahan lamang ang mga senador na nasa lungsod habang naka-break ang Senado.
Uusad na ang impeachment complaint laban kay Duterte sa Kamara, kung saan nagsasagawa na ng confirmatory hearings ang Committee on Justice.
Inaasahang si Sotto ang magsisilbing presiding officer kung mauupo ang Senado bilang impeachment court. Nauna nang sinabi ni Panfilo ‘Ping’ Lacson na hawak pa rin ni Sotto ang suporta ng mayorya.
Sinabi rin ni Sotto na “remain impartial and wait for whatever will be presented” sa kaso.
Kinumpirma rin ni Sen. Joseph Victor ‘JV’ Ejercito ang pagpupulong at sinabing kailangang handa ang Senado sa anumang mangyari.

Share.