Inatasan na ang Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) na arestuhin si Senador Ronald “Bato” dela Rosa, ayon kay Justice Secretary Fredderick Vida nitong Huwebes.
Kinumpirma ni Vida na valid at enforceable ang warrant of arrest na inilabas ng International Criminal Court (ICC) laban kay Dela Rosa.
“The Philippine law enforcement agencies, which would include the PNP, the [NBI] are now tasked to effect the arrest of Senator Bato dela Rosa,” ani Vida.
“Senator Bato is a fugitive from justice and he should be brought to the ICC to face the charges before him,” dagdag pa niya.
Ayon pa kay Vida, may mga lead na umano ang mga awtoridad sa kinaroroonan ng senador.
Samantal, Inihayag ng NBI na nakahanda itong magsagawa ng manhunt operation laban kay Sen. dela Rosa kaugnay ng arrest warrant na inilabas ng International Criminal Court (ICC).
Ayon kay NBI spokesperson Palmer Mallari, nakaalerto ang ahensya para gampanan ang mandato nito sakaling tuluyang umusad ang operasyon laban sa senador.
“The NBI is always on alert in the performance of its mandate,” saad ni Mallari.
Sinabi rin niya na nakatakdang makipagpulong si NBI Director Melvin Matibag sa mga matataas na opisyal upang talakayin ang mga susunod na hakbang ng ahensya kaugnay sa kaso ni Dela Rosa.
Gayunman, nilinaw ni Mallari na hinihintay pa ng NBI ang pinal na resolusyon ng Korte Suprema matapos ibasura ang hiling na Temporary Restraining Order (TRO) ng senador.
“We still have to study the decision of the Supreme Court before we can make the proper comment and corresponding action,” paliwanag niya.
Ayon pa kay Mallari, kinakailangan munang suriin ng bureau ang kabuuang laman ng desisyon ng Kataas-taasang Hukuman bago magpatupad ng anumang hakbang kaugnay sa warrant.
Samantala, sinabi rin ng tagapagsalita ng NBI na ipinagpapalagay niyang may hawak na ring kopya ng ICC arrest warrant ang Philippine National Police (PNP) at Department of the Interior and Local Government (DILG).
Tumanggi naman si Mallari na magbigay ng detalye kung nasa Pilipinas pa si Dela Rosa.
Nauna nang naging kontrobersyal ang senador matapos siyang umalis sa Senado habang nasa ilalim umano ng protective custody kasunod ng inilabas na warrant ng ICC kaugnay ng war on drugs noong nakaraang administrasyon.
Kasalukuyan ding pinagtutuunan ng pansin ng publiko ang posibleng koordinasyon ng iba’t ibang law enforcement agencies sakaling ilunsad ang malawakang operasyon laban sa senador.

