Kulong ang isang pulis na staff sergeant nang makumpiskahan ng dalawang kilong shabu sa isang entrapment operation ng Philippine Drug Enforcement Agency 9 sa Barangay Sta. Maria, Zamboanga City nitong hapon ng Sabado, May 16.  
Nasa kustodiya na ng PDEA 9 ang 45-anyos na si Police Staff Sgt. Nager Indal Abdulbasir, kasapi ng isang unit sa Basilan ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region.
Tiniyak nitong Linggo ng mga PRO-BAR officials sa kanilang headquarters sa Camp SK Pendatun sa Parang, Maguindanao del Norte na kanilang agad na ipo-proseso ang dishonorable discharge ni Abdulbasir sa serbisyo.
Abot ng P13.6 million ang halaga ng shabu na nasamsam sa kanya ng PDEA agents at mga pulis sa naturang entrapment operation.
Sa ulat nitong Linggo ni Bryan Babang, director ng PDEA 9, agad na pinosasan si Abdulbasir ng kanilang mga agents at mga pulis na kanyang nabentahan ng dalawang kilong shabu sa gilid ng mataong kalye sa Barangay Sta. Maria sa Zamboanga City.
Ayon kay Babang, kanilang naikasa ang naturang matagumpay na entrapment operation sa tulong ng mga barangay at city officials at ni Brig. Gen. Edwin Quilates, director of the Police Regional Office 9.
Ayon kay Babang, kanilang lilitisin si Abdulbasir sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 gamit ang P13.6 million na halaga ng shabu na nakumpiska mula sa kanya bilang ebidensya.

Share.