Nasawi ang isang 8-buwang gulang na babaeng sanggol nang mahulog sa irigasyon sa tabi ng kanilang bahay sa Barangay San Isidro, Tarlac City, Tarlac, pasado alas-7 ng gabi noong Biyernes, Agosto 21.
Ayon sa Tarlac City Police, natutulog umano ang sanggol kasama ang kaniyang ina sa loob ng kanilang bahay nang umalis ang ina upang magtimpla ng gatas.
“Pagtalikod ng nanay posibleng nagising iyong bata at gumapang. Wala kasing takip iyong bahay kaya nahulog sa irigasyon iyong bata,” ayon kay PCMS. Alberto Pasagoy Jr., imbestigador ng Tarlac City Police na may hawak sa insidente.
Kaagad namang humingi ng tulong ang ina sa mga awtoridad.
Nagsagawa ng search and retrieval operation ang mga awtoridad at 9:00 ng gabi nang matagpuan ang sanggol na wala nang buhay.
Patuloy namang inaalam ng mga awtoridad ang buong detalye ng insidente.

