Nagbabala si Senadora Imee Marcos na posibleng maharap sa total ban sa Pilipinas ang online gaming platform na Roblox kung hindi nito agarang matutugunan ang seryosong problema sa child safety at mga pang-aabuso online.
“Game over agad ‘yan kung hindi susunod sa mga kailangang pagbabago para sa proteksyon ng mga bata,” pahayag ni Marcos.
Nababahala rin siya sa patuloy na pagtaas ng kaso ng online abuse sa mga kabataan sa bansa. “Napakaraming problemang ganito, naging number two na tayo sa child exploitation—nakakahiya,” aniya.
Bilang konkretong hakbang, naglatag ang senadora ng tatlong buwang palugit para maayos ng Roblox ang problema.
Sa loob ng panahong ito, kailangang patunayan ng kumpanya na epektibo ang kanilang safeguards at agad na matugunan ang mga kahinaan sa kanilang sistema. Kung hindi matutupad ng Roblox ang kondisyon, maaaring humantong ito sa suspensyon o pagbabawal ng platform sa bansa.
Kabilang sa mga itinulak ni Marcos ang agarang pagbuo ng isang centralized database, alinsunod sa Section 30 ng Republic Act No. 11930, sa pagitan ng Department of Information and Communications Technology (DICT), Department of Justice (DOJ), at Philippine National Police (PNP), upang magkaroon ng iisang listahan at mapabilis ang koordinasyon sa mga kaso ng online sexual abuse at exploitation sa mga bata.
Ayon sa senadora, hindi uubra ang hiwa-hiwalay na imbestigasyon laban sa organisadong cyber crimes.
Kasabay nito, pinuna rin ni Marcos ang interface ng Roblox na, aniya, ay “impossible at hindi user-friendly para sa mga magulang.” Dagdag pa niya, “‘Yung dati, hopeless. Sinubukan ko—ang hirap-hirap pumasok pati yung interface, imposible at napaka-komplikado.”
Inirekomenda rin niya ang pagtatalaga ng isang staff mula sa Roblox na tututok mismo sa Pilipinas, pati ang paglalagay ng isang complaint desk o center sa bansa para sa agarang aksyon at koordinasyon ng mga awtoridad at mga biktima.
Sabi ni Marcos, kung walang malinaw na pagbabago matapos ang palugit, mas makabubuting ipatigil na lamang ang operasyon ng platform kaysa hayaang magpatuloy ang pang-aabuso sa mga bata online.
“Kung hindi talaga kayang i-regulate, suspindehin na lang, —huwag na hayaang magpatuloy. Bigyan ng safeguards. Subukan natin sa loob ng ilang buwan, tapos dapat may aksyon na. Kalokohan lang itong mga miting-miting kung walang magbabago,” pagtatapos ng senador.
Trending
- Kaila Estrada, Daniel Padilla wapakels pa rin sa mga viral photo na magkasama
- Julia Barretto aminadong nakadama ng pressure sa pagiging Barretto
- Ogie Alcasid ‘napikon’ kay Vice Ganda
- Higit P3.7m ilegal na gamot nasabat sa Lucena City
- Ammonia, tumagas sa ice plant sa Caloocan: 10 naospital, 90 inilikas
- 100 puno inatake ng peste
- Bagong laya todas, Pulis sugatan sa engkuentro sa Pasay
- 8 lugar tutustahin ng malaimpyernong damang-init

