Hindi biro ang pinagdaanan ni Raymond Gutierrez para mabago ang kanyang katawan at pamumuhay.
Ayon sa creative director at TV host, nagsimula ang kanyang malaking transformation sa isang matibay na desisyon na baguhin nang tuluyan ang kanyang lifestyle.
Sinabi ni Raymond na kailangan ng seryosong pagbabago sa araw-araw na gawain upang makamit ang tunay na resulta.
Aniya, kailangang ayusin ang iskedyul, pagkain at pisikal na aktibidad kung nais makamit ang malaking pagbabago sa sarili.
Aminado si Raymond na naging mahirap ang proseso ngunit malaking tulong ang suporta ng kanyang mga kaibigan at personal trainer upang manatili siyang determinado sa kanyang fitness journey.
Malaki rin umano ang naging impluwensiya ng kanyang kapaligiran matapos niyang makita ang kanyang mga kaibigan na regular na nagwo-workout at nagha-hiking.
Naging inspirasyon din niya ang kanyang kapatid na si Richard, na matagal nang aktibo sa fitness.
Dumating umano ang panahon na napaisip siya tungkol sa kanyang kalusugan at direksiyon sa buhay nang siya ay nasa kalagitnaan ng kanyang 30s.
“I said, ‘You know what? I think I need to do this now to really enjoy my life to the fullest’,” pag-alala ni Raymond.
“I just woke up one day and I committed to it,” dagdag pa niya.
Dahil sa kanyang determinasyon, kinailangan niyang isantabi ang ilang nakasanayang bagay kabilang ang madalas na pagpunta sa mga party at nightlife.
“I disappeared from the nightlife for a long time,” ani Raymond. “I didn’t attend any parties, and really committed to the fitness.”

Share.