Patay ang 35-anyos na person with disability o PWD na isa ring vlogger nang pagtulungan ng limang lalaki sa naganap na rambulan sa Barangay San Nicolas Dapdap, Bamban, Tarlac, noong nakaraang linggo.
Ayon kay Maj. Leoncio Alcantara Jr., hepe ng Bamban Municipal Police Station, nagtungo ang biktima sa isang videoke bar noong Biyernes kung saan nag-iinuman ang limang suspek.
Magkakilala umano ang magkabilang panig.
Sinabi ng pulisya na nagsimula ang insidente sa biruan ng biktima at isa sa mga suspek. Nauwi umano ito sa mainitang pagtatalo hanggang sa magkaroon ng suntukan.
Sa gitna ng kaguluhan, pinagtulungan umano ng limang suspek ang biktima.
Mula sa videoke bar, umabot ang rambulan sa tapat ng isang gasolinahan at nagpatuloy hanggang sa isang kapilya sa barangay.
Naawat lamang ang gulo matapos rumesponde ang mga pulis at mga barangay tanod.
Agad na dinala sa ospital ang biktima at binigyan ng paunang lunas bago pinayagang makauwi.
Nguni’t pagdating sa kanilang bahay, nagreklamo umano ito ng matinding pananakit ng ulo kaya muli siyang isinugod sa ospital.
Sa isinagawang CT scan, natuklasang may pamumuo nang dugo sa kanyang utak.
Dahil dito, tuluyan siyang binawian ng buhay noong Linggo, Hulyo 5.
Ayon pa sa pulisya, ang biktima ay may complete phocomelia, isang kondisyon kung saan wala o labis na maikli ang mga braso ngunit naroon ang mga kamay.
Kilala na umano ng Bamban Municipal Police Station ang limang hinihinalang suspek, ngunit nakapagtago na ang mga ito.
Inihahanda na ng pulisya ang pagsasampa ng kasong homicide laban sa mga suspek.
Patuloy ang imbestigasyon sa insidente habang hinihikayat ng mga awtoridad ang sinumang may impormasyon na makipag-ugnayan sa Bamban Municipal Police Station upang makatulong sa pag-aresto sa mga suspek.
Trending
- Kyline, inabswelto si Miguel
- Vincent, inirereto noon kay Kim Chiu
- Echo, nagpaka-fanboy kay Matt Damon
- Kings, tinapos ang Summer League sa panalo vs Hornets, 92-90
- LeBron James, ‘di pa rin nakakapili ng team na lilipatan
- UST astig sa Shakey’s Juniors volleyball semis
- Ryan Garcia, dedepensa vs Conor Benn sa Setyembre
- Friendship over na? Bela Padilla wala sa IG post ni Angelica Panganiban

