Kinailangang putulan ng daliri ang isang pulis nang hatawin ng bakal na tubo ng isang lalaki sa loob mismo ng presinto sa Tondo, Maynila. Ang pulis, posibleng maapektuhan ang trabaho bilang pulis dahil sa pinsalang tinamo sa kaniyang index finger.
Sa ulat, mapanonood sa CCTV footage ang 30-anyos na pulis na si Patrolman Marianeto Gabumpa Jr., na inaalalayan ng kaniyang mga kabaro palabas ng Smoky Mountain PCP nitong Hulyo 14.
Sinabi ng pulisya, 5:00 ng madaling araw nang madakip nila ang nasabing lalaki nang ireklamo ng trespassing ng isang tracking company sa lugar.
“‘Yung claim ng guwardiya is nagha-hallucinate. Tapos kung anu-ano raw ang sinasabi, sa pulis lang daw siya susuko. Ang kuwento, bisita ‘yun sa itaas ng bundok, lasing o ano man, nalaglag patungo roon sa area ng binabantayan ng guwardiya,” sabi ni Police Captain Ryan Jay Defeo Balagtas, Smokey Mountain PCP Commander ng MPD-1.
Habang naghihintay sa complainant at kaanak ng lalaki, bigla umano itong nagwala.
Sa isang kuha, makikita pa ang suspek na sinubukang tumakas. Nagtulong-tulong ang ilang pulis para maipasok ulit ang suspek sa presinto.
Pagkadala sa kaniya sa likurang bahagi ng presinto, nakakuha siya ng bakal na tubo at pinalo niya ng ilang beses si Patrolman Gabumpa.
Ilang beses umanong tinamaan ang biktima sa kaniyang ulo at daliri.
Nagtulong-tulong ang tatlong pulis upang tuluyang makuha ang tubo mula sa lalaki.
Nakalabas na ng ospital si Gabumpa nguni’t kinailangang putulin ang kaniyang daliri nang magtamo ng matinding pinsala.
Naputol ang index finger ng patrolman, na ginagamit sa pagkalabit sa gatilyo ng baril.
May posibilidad na maapektuhan na ang trabaho ni Gabumpa bilang pulis dahil sa nangyari.
“Right-handed kasi siya eh… trigger finger ‘yung naputol sa kaniya dito mismo. So kapag pinilit niya ‘yun, hindi na siya magiging effective nu’n. Kasi baka makatama siya ng ibang tao, hindi na siya accurate,” sabi ni Balagtas.
Susubukan nila kung maaaring mag-apply ang biktima ng Total Physical Permanent Disability o TPPD sa NAPOLCOM para makuha nang maaga ang kaniyang pensyon.
Nasa kustodiya ng Raxabago Police Station ang suspek, na mahaharap sa patong-patong na reklamo kasama ang disobedience, trespassing, direct assault at frustrated homicide.
Trending
- Marcoleta, pinagpapaliwanag ng Sandigan
- Education crisis dapat bigyang prayoridad
- Mas mabigat na parusa sa ospital
- Senior high timbig sa pagpo-post sa socmed ng banta vs guro, estudyante
- Tour guide sibak sa harassment sa hiker
- Delivery rider huli sa P1M shabu
- Ilang bahagi ng Davao lubog sa baha
- Lalaki namemeke ng birth certificate, timbog

