Sugatan at puno ng pasa sa katawan ang isang pulis at isang delivery rider nang pagtulungang bugbugin ng grupo ng lalaki sa Sampaloc, Maynila.
Nagtamo ang pulis ng mga pasa at bukol nang paulit-ulit na suntukin at hampasin ng helmet sa ulo at katawan ng mga salarin noong Miyerkules ng gabi.
Sugatan din ang delivery rider na unang pinagbalingan ng grupo bago pa man makaalis sa lugar.
Batay sa imbestigasyon ng Manila Police District (MPD) – Sampaloc Police Station, nangyari ang insidente 10:40 ng gabi sa kanto ng G. Tuazon at Batanes Street, Barangay 555.
Pauwi na umano ang pulis kasama ang kaniyang kasintahan nang madaanan nila ang komosyon sa pagitan ng mga salarin at ng delivery rider.
Huminto ang pulis para umawat nang magsumbong ang rider na ninakawan siya ng isang menor de edad.
Sa layuning dalhin ang menor de edad sa presinto, isinakay ito ng pulis sa kaniyang motorsiklo. Subali’t dito na dumating ang grupo ng mga salarin at pinagbalingan ang pulis sa pag-aakalang sinasaktan nito ang bata.
Kahit nagpakilalang pulis, hindi tumigil ang grupo sa pag-atake. Dahil sa tindi ng bugbog at bilang pagdepensa sa sarili, napilitang magpaputok ng kaniyang service firearm nang isang beses ang pulis.
Sa ikinasang follow-up operation ng Sampaloc police, agad naaresto ang apat na lalaki habang pinaghahanap pa ang dalawa nilang kasamahan.
Nahaharap na ang mga salarin sa mga reklamong paglabag sa direct assault at less serious physical injuries na nakatakdang isumite sa Manila City Prosecutor’s Office para sa inquest proceedings.

Share.
Exit mobile version