Hindi pa rin pala kumukupas ang kasikatan ni Marian Rivera sa Vietnam kahit ilang taon na ang lumipas mula nang mapanood doon ang kanyang mga teleserye.
Muling bumaha ng papuri mula sa Vietnamese netizens ang Kapuso Primetime Queen matapos i-feature ng Vietnam International Fashion Week page ang kanyang pagrampa sa isang katatapos na ball.
Agaw-pansin sa comment section ang paghanga ng marami sa ganda ng aktres.
Matagal nang may following si Marian sa Vietnam dahil naging patok doon ang kanyang mga seryeng “MariMar” at “Dyesebel” nang ipalabas ang mga ito noong 2008.
Umabot pa sa puntong personal niyang binisita ang bansa noong 2013 para makaharap ang kanyang Vietnamese fans.
Mukhang partikular na tumatak sa viewers ang kanyang karakter bilang Dyesebel dahil may mga netizens na tinatawag pa rin siyang “fish woman” sa social media.
May ilan ding muling nagbanggit ng “Chuyện Tinh Nàng Tiên Cá (The Mermaid’s Love Story),” ang titulong ginamit sa “Dyesebel” nang ipalabas ang fantaserye sa Vietnam.
Kaya kahit matagal nang natapos ang mga seryeng nagpakilala sa kanya roon, buhay pa rin ang pagkakakilala ng Vietnamese fans kay Marian, at ang kanyang recent appearance ang muling nagpaalala sa naging popularidad niya sa bansa.
====

Share.
Exit mobile version