Sinabi ng Malakanyang na ‘all systems go’ na ang Pilipinas sa gaagwin nitong pagho-host para sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Leaders’ Summit.
Sa katunayan, ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na ‘on track’ na ang Pilipinas bago pa ang regional gathering mula May 7 hanggang 8.
Ani Castro, binrief (brief) na ni Executive Secretary Ralph Recto, chairman ng ASEAN National Organizing Committee, si Pangulong Ferinand Marcos Jr., sa kalagayan ng preparasyon.
“All systems go po. Handa po tayo,” ang pagtiyak ni Castro.
Gayunman, sinabi ni Castro na maaaring ikonsidera ang adjustments para sa ilang pagpupulong kabilang na ang posibilidad ng pag-shift sa ilang sesyon sa isang virtual format matapos na magpahayag ang mga lokal na opisyal sa Cebu na may ilang pagpupulong ang hindi na ginagawa ng face-to-face bilang bahagi ng ‘austerity measures’ ng gobyerno.
Winika pa ni Castro na wala pang pinal na desisyon hinggil sa ilang bahagi ng summit na idaraos online.
“Tingnan lang po natin… hindi pa po ako nabibigyan ng update patungkol po diyan,” ang sinabi ni Castro.
Samantala, kumpiyansa namang inihayag ni Castro na hindi makaaapekto sa gagawing pagho-host ng Pilipinas sa summit ang mga usapin na iniuugnay kay Vice-President Sara Duterte at House Speaker Martin Romualdez.
“Hindi po ito makakaapekto sa Pangulo,” pagtiyak ni Castro.
Binigyang diin ni Castro na ang paghahanda ay ginagawa na ng mga miyembro ng Gabinete ng Pangulo at kaugnay na ahensiya ng pamahalaan.

Share.