Nasawi ang dalawang katao, kabilang ang isang pulis at isang sibilyan, habang sugatan naman ang isa pang pulis sa pamamaril sa parking lot ng isang resort sa Maragondon, Cavite.
Kinilala ang mga nasawi sa alias PMSg Jun, nakatala sa Magallanes MPS, Cavite PPO; at alias Jay habang nilalapatan naman ng lunas sa ospital ang sugatan si alias PCpl Louie na nakatalaga sa Ternate MPS.
Kinilala ang suspek na si Police Corporal Rolando Periodico Jr., 35, na nakatalaga sa Trece Martires Component City Police Station, na nasa kustodiya na ng Maragondon Municipal Police Station.
Ayon sa Cavite Police Provincial Office, nangyari ang insidente 1:30 ng madaling-araw nitong Miyerkules, Agosto 12.
Naghahanda umanong umalis sa resort ang mga sangkot, hanggang sa nauwi sa mainitang pagtatalo ang kanilang pag-uusap na sinundan ng pamamaril.
Dalawang 9mm pistol ang narekober sa lugar, kabilang ang Glock 17 na naka-isyu sa suspek at isang Pietro Beretta na naka-isyu naman sa isa sa mga sangkot na pulis. Isinailalim din sa forensic processing ang crime scene.
Patuloy naman ang isinagawang imbestigasyon ng mga otoridad upang matukoy ang motibo ng insidente.
Samantala, sinibak sa puwesto ang hepe ng Maragondon Municipal Police Station at inilagay sa Personnel Holding and Accounting Section (PHAS) habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Trending
- 3 patay sa leptospirosis sa San Lazaro Hospital
- 4 wanted tiklo
- Sibilyan empleyado ng SulKud PNP patay sa ambush
- Sekyu ‘di pinasweldo, hinostage ang menor kapitbahay
- 15 guro nasagip sa rumaragasang ilog
- Pulis putol kamay sa taga ng baliw
- Mag-asawa at anak natagpuang patay sa loob ng bahay
- Janine Gutierrez umaming niloko ng boylet

