Humiling sa Korte Suprema ang isang pribadong guro na pansamantalang ipatigil ang buong pagpapatupad ng bagong streamlined senior high school (SHS) curriculum ng Department of Education (DepEd) sa susunod na school year dahil maaari umano itong magdulot ng pagkawala ng trabaho ng mga guro.
Naghain si Barry Tayam, SHS teacher sa San Beda College Alabang, ng petisyon para sa temporary restraining order (TRO) laban sa “Strengthened SHS Curriculum” sa ilalim ng DepEd Memorandum Order No. 12, s. 2026 para sa mga papasok na Grade 11 students.
Ayon kay Tayam, mula sa dating 15 core subjects ay magiging lima na lamang ito, na maaaring magbawas sa teaching load ng mga probationary at contractual teachers.
“The education sector cannot be treated as a legal laboratory for trial-and-error policies,” ani Tayam sa kanyang 24-page petition.
“This structural shift directly threatens to diminish my regular teaching load, eliminate my established overload compensation, and drastically reduce my expected income,” dagdag pa niya.
Sa lumang SHS curriculum, kabilang ang mga strand na ABM, STEM, HUMSS, at General Academic Strand. Papalitan umano ito ng dalawang bagong strand: “academic” at “technical-professional.”
Mananatili naman ang lumang tracks para sa mga incoming Grade 12 students.
Iginiit ni Tayam na posibleng bumaba ang kalidad ng edukasyon dahil sa malaking bawas sa mga asignatura.
“Logically speaking, the government cannot maintain, let alone promote, a high standard of education while simultaneously eliminating essential learning competencies,” saad niya.
Kinuwestyon din niya ang 320-hour work immersion requirement sa technical-professional strand dahil maaari umanong kulangin ang industriya sa pagtanggap ng interns.
Ayon pa kay Tayam, may “grave abuse of discretion” umano ang DepEd sa pagpapatupad ng bagong curriculum at umaasa siyang makapaglalabas ng desisyon ang Korte Suprema bago ang pagbubukas ng klase sa Hunyo 8.

Share.