Nagdeklara ng mas pinaigting na kampanya laban sa smuggling at ilegal na kalakalan ang National Bureau of Investigation (NBI) at Bureau of Customs (BOC) matapos inspeksyonin ang mahigit P3 bilyong halaga ng ilegal na sigarilyo sa Gothong Wharf, Mandaue City, Cebu nitong Sabado, Hulyo 11.
Pinangunahan nina NBI Director Melvin Matibag at BOC Commissioner Ariel Nepomuceno ang inspeksyon sa 25 containers na naglalaman ng ilegal na sigarilyo na tinatayang nagkakahalaga ng P980 milyon.
Ayon sa BOC, nasabat ang naturang shipment matapos ang intelligence information mula sa NBI na nagresulta sa operasyon laban sa mga hinihinalang containers.
Bahagi umano ang mga ito ng kabuuang 59 containers ng ilegal na sigarilyo na naharang sa mga isinagawang operasyon ng BOC, na may pinagsamang halaga na aabot sa mahigit P3 bilyon.
Nananatili naman sa kustodiya ng pamahalaan ang iba pang container na nasa ibang mga lokasyon habang nagpapatuloy ang imbestigasyon at mga kaukulang legal na proseso.
Iginiit ni Nepomuceno na hindi titigil ang BOC sa pagkumpiska ng mga ilegal na kargamento. Hahabulin din umano ng ahensya ang buong supply chain at titiyaking mapapanagot ang lahat ng sangkot sa smuggling.
“Hindi kami maaareglo when it comes to the filing of cases against people and businesses involved in smuggling and illicit trade,” ani Nepomuceno.
Samantala, sinabi ni Matibag na patuloy ang pakikipagtulungan ng NBI sa BOC upang imbestigahan at kasuhan ang mga organisadong grupong sangkot sa ilegal na kalakalan.
Inihayag din ng NBI chief na malapit nang matapos ang Memorandum of Agreement sa pagitan ng NBI, BOC, at iba pang law enforcement agencies para palakasin ang intelligence sharing, joint operations, at coordinated case build-up.
Trending
- Marcoleta, pinagpapaliwanag ng Sandigan
- Education crisis dapat bigyang prayoridad
- Mas mabigat na parusa sa ospital
- Senior high timbig sa pagpo-post sa socmed ng banta vs guro, estudyante
- Tour guide sibak sa harassment sa hiker
- Delivery rider huli sa P1M shabu
- Ilang bahagi ng Davao lubog sa baha
- Lalaki namemeke ng birth certificate, timbog

