Nakumpiska ng mga pulis ang abot sa P2.9 million na halaga ng mga sigarilyong gawa sa Indonesia sa isang anti-smuggling operation sa Timako sa Barangay Kalanganan 2 sa Cotabato City nitong madaling araw ng Miyerkules, April 15.
Kinumpirma nitong hapon ng Miyerkules ni Col. Jibin Bongcayao, director ng Cotabato City Police Office, ang pagkasamsam ng naturang kontrabando ng mga operatiba ng Cotabato City Police Station 3, sa pamumuno ni Capt. Eduardo Malicdem, at ng mga tropa ng City Mobile Force Company sa pangunguna ng kanilang force commander na si Lt. Col. John Vincent Bravo.
Ihahatid na sana ng driver at ilang kalalakihan ang mga imported na sigarilyo sa ilang mga bibili sa Cotabato City at sa mga karatig na barangay sa Maguindanao del Norte ngunit kanilang inabandona ang kanilang kulay pula na Isuzu truck, may plakang MAJ 1273, ng mapuna na may may pulis na lumalapit sa kanilang kinaroonan sa Riverside area sa Timako sa Barangay Kalanganan 2 madaling araw nitong Miyerkules.
Pinadala nila Col. Bongcayao at Brig. Gen. Jaysen De Guzman, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, sa naturang lugar ang mga pulis upang alamin ng ulat ng mga residente at mga barangay officials hinggil sa presensya ng kalalakihang nagkakarga ng malalaking kahon na may lamang mga sigarilyong gawa sa Indonesia, hinatid sa naturang lugar ng isang sasakyang pandagat na dumaong sa seaside area sa Timako.
Nasa kustodiya na ng Cotabato City Police Office ang 70 na mga kahon ng sigarilyong Bosque ang brand, nagkakahalaga ng P2.9 million, at ang truck na maghahatid sana nito sa mga negosyante sa lungsod at mga karatig na mga barangay sa Maguindanao del Norte.
Trending
- PBBM, ipinag-utos 3-month suspension sa terminal fees ng PUVs sa PITX
- Banta ng destabilisasyon dahil sa nangyari sa Senado, tinabla ng AFP
- CHED ipinagpaliban pagbawas ng GE units sa kolehiyo
- Villafuerte tinukuran hakbang ng gobyerno vs fake news, deep fake
- Lolo na illegal recruiter nalambat
- Truck nahulog sa bangin sa Quezon
- Ginang na bagong ligo nagsaksak ng bintilador, nangisay
- Lalaki huli sa P420K ‘paihing krudo’ sa Bulacan ops

