Magkakaloob ang pamahalaan ng PHP10 kada litro na fuel subsidy para sa mga public utility vehicle (PUV) sa loob ng hanggang tatlong buwan bilang tugon sa pagtaas ng presyo ng langis, ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Huwebes.
Sa isang video message, sinabi ni Marcos na sasaklawin ng subsidiya ang hanggang 150 litro kada linggo sa bawat sasakyan. Aniya, unang ipatutupad ang programa sa Metro Manila sa susunod na linggo, simula sa Commonwealth Avenue, bago palawakin sa iba pang pangunahing kalsada gaya ng Quezon Avenue, España, Zapote, E. Bonifacio, Rizal Avenue, at Marcos Highway.
Ayon sa Pangulo, ipatutupad ang subsidy sa pamamagitan ng mga accredited gasoline station na minomonitor ng Department of Energy upang maiwasan ang pang-aabuso.
“Mahalaga ito dahil hindi lang transport cost ang tinutugunan natin. Pinipigilan din natin ang pagtaas ng presyo ng pagkain at iba pang pangunahing bilihin,” ani Marcos.
Bahagi ang hakbang sa mas malawak na tugon ng pamahalaan sa national energy emergency kasunod ng pagtaas ng pandaigdigang presyo ng langis dahil sa pagkaantala sa mga supply route, kabilang ang tensiyon na nakaaapekto sa Strait of Hormuz.
Sinabi ni Marcos na layon ng intervention na maprotektahan ang parehong transport workers at consumers laban sa epekto ng pagmahal ng langis. Nauna nang nagpatupad ang pamahalaan ng fuel cash subsidy program at pinag-aaralan din ang posibleng pag-aayos sa fuel excise taxes upang mapababa ang pump prices.

Share.