Tinatayang P3.4 milyong halaga ng iligal na droga ang nasamsam ng mga awtoridad matapos maaresto ang isang Nigerian at isang Pilipina sa buy-bust operation sa Bacoor, Cavite, madaling araw ng Biyernes, Hulyo 17.
Nakuha sa operasyon ang limang nakabuhol na plastic bag na naglalaman ng nasa 500 gramo ng shabu na nakasilid sa eco bag, matapos magbentahan ang mga suspek at isang undercover operative.
Ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency–National Capital Region (PDEA-NCR), ikinasasa ang operasyon bandang alas-2:42 ng madaling araw sa kahabaan ng Bacoor Boulevard sa Barangay Niog.
Kinilala ng mga awtoridad ang mga naarestong suspek na isang 48-anyos na Pilipinang negosyante at isang 44-anyos na Nigerian na negosyante rin.
Bukod sa malaking bulto ng iligal na droga, narekober din sa kanila ang ginamit na buy-bust money, dalawang cellphone, iba’t ibang identification card, ATM at cash card, e-wallet card, pawnshop card, at isang pitaka.
Kasalukuyan nang nakapiit ang dalawang suspek na nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Section 5, Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Share.