Sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensya ng isang National Bureau of Investigation (NBI) personnel nang masangkot sa komprontasyon sa mga LTO enforcer sa Lipa City, Batangas.
Ayon sa LTO, nagsimula ang insidente na nangyari noong Agosto 12 nang sitahin ng mga law enforcer ng ahensya ang isang sasakyang ilegal na nakaparada sa harapan ng national highway at nakahahadlang sa daloy ng trapiko.
Tumanggi umano ang driver na ilipat ang sasakyan sa itinakdang parking area at kinuwestiyon ang awtoridad ng mga enforcer. Nagpakilala rin umano ito gamit ang isang identification badge mula sa isang national government agency.
Dumating umano ang kanyang ama na sakay ng isang pick-up at nagpakilalang NBI personnel. Sa gitna ng komprontasyon, nabanggit umano nito ang pagkakaroon ng baril, na naging bahagi ng imbestigasyon ng LTO.
Napag-alaman din umano ng ahensya na gumagamit ng hindi awtorisadong blinkers ang pick-up na minamaneho ng NBI personnel.
Dahil dito, naglabas ang LTO ng show cause order laban sa rehistradong may-ari at driver ng pick-up kaugnay ng unauthorized/unlawful use of blinkers at improper person to operate a motor vehicle.
Inatasan din ang pagsuko ng hindi awtorisadong blinkers at inimbitahan ang mga enforcer na naroon sa insidente upang magsumite ng kanilang mga salaysay.
Isinailalim din sa 90 araw na preventive suspension ang lisensya nito at inilagay sa alarm status ang pick-up habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Share.