Hindi nakapalag matapos mahuli ang isang mister ng halos isang kilo na marijuana bricks sa isinagawang drug bust operation ng otoridad sa Brgy. San Fermin, Cauayan City, Isabela.
Sa direktiba ni Regional Director Gil Cesario Castro ng PDEA Region 02 ay naaresto si alyas Ed, 35 anyos na residente sa naturang lugar at nasamsam ang tinatayang isang kilo ng pinaghihinalaang marijuana sa isinagawang buy-bust operation.
Sa report, pinangunahan ng PDEA RO2 sa operasyon katuwang ang pinagsanib na puwersa ng PDEA Isabela Provincial Office, PDEA Kalinga Provincial Office, Cauayan City Police Station, PDEG SOU 2, Isabela Police Provincial Office/Provincial Drug Enforcement Unit (IPPO/PDEU), Regional Intelligence Unit 2 (RIU 2) PIT Isabela, at Regional Mobile Force Battalion 2 (RMFB 2).
Nakumpiska mula sa suspek ang isang brick ng pinaghihinalaang pinatuyong dahon ng marijuana na may kasamang tangkay at fruiting tops na nakabalot sa transparent tape at cling wrap at tumitimbang ng humigit-kumulang isang kilo, na may tinatayang halaga na P120,000.00.
Nasamsam din ang iba’t ibang drug paraphernalia, buy-bust money, isang Yamaha NMAX na motorsiklo na may plaka, at isang itim na cellphone.
Nahaharap ang suspek sa Sections 5 (Sale of Dangerous Drugs), 11 (Possession of Dangerous Drugs), and 12 (Possession of Drug Paraphernalia) under Article II of Republic Act 9165, otherwise known as the Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Share.