Nahuli sa camera ang dalawang suspek na nagpanggap na buyer nang tangayin ang mga cellphone at pera ng isang online seller na nagkakahalaga ng P165,000 sa isang “meet up” sa Taguig.
Sa ulat, nangyari ang insidente sa Barangay North Signal, Taguig City, noong Miyerkules ng gabi.
Sa viral na video, makikitang habang nakikipag-usap ang mga suspek sa biktima, bigla umanong bumunot ng baril ang isa sa kanila at hinablot ang bag na naglalaman ng mga gamit.
Matapos makuha ang bag, agad tumakas ang dalawang suspek sakay ng motorsiklo.
Ayon sa 21-anyos na biktima, isinama niya ang kaniyang kaibigan sa meet up, na makikitang may hawak na bag sa video.
Laman ng bag ang apat na cellphone na nagkakahalaga ng tinatayang P140,000 at cash na umaabot sa P25,000.
Ayon sa biktima, balak muna sana nilang kumain habang hinihintay ang katransaksyon nang biglang sumulpot ang dalawang suspek at nagdeklara ng holdap.
Sa ulat, ikalawang meet up location na ito ng mga biktima matapos umuwi muna sila sa unang lugar dahil inakala nilang “pinagtitripan” lamang sila ng mga buyer.
Ilang oras matapos iyon, muling nag-chat ang mga suspek at nagbigay ng panibagong lokasyon para sa transaksyon.
Sa follow-up operation ng mga awtoridad, naaresto noong Hulyo 4, ang isa sa mga suspek na umano’y tumutok ng baril.
Nasa kustodiya na ng mga pulis ang suspek, na wala pang inilalabas na pahayag. Patuloy namang tinutugis ng mga awtoridad ang isa pa niyang kasamahan.
Mahaharap ang dalawang suspek sa kasong robbery at illegal possession of firearms and ammunition.
Trending
- Lady Red Spikers nakamit ang ikalawang tagumpay
- Qatar tinambakan ang Iran 9 days bago ang opening ceremony ng Asian Games
- Isabelle Daza nagregalo ng cellphone sa tindera
- Katherine Luna fan mode nang makasama mga sikat na artista
- Dina Bonnevie sobrang love ang manugang niyang si Kristine Hermosa
- BARMM elections madugo
- Singil sa kuryente, bahagyang bababa ngayong Setyembre
- 55 wildlife traders, timbog sa operasyon ng DENR

