Palaisipan pa kung sino ang tinutukoy ng Nigeria Embassy in Manila sa umano’y isang nakaligtas na atleta ng Ateneo de Manila University (ADMU) na nasangkot din sa aksidente sa isinagawang boot camp sa Dipaculao, Aurora.

Matatandaan na nasawi habang nasa naturang aktibidad ang mga basketball player na sina Rene Baterbonia at Divine Adili dahil sa umano’y pagkalunod noong Hunyo 8.

Sa opisyal na pahayag ng Nigeria Embassy, batay umano sa impormasyong natanggap nito, ang team-building activity ng Ateneo Blue Eagles kinasasangkutan ng tatlong student-athlete.

“While two of the students, including Mr. Adili, tragically passed away, one student survived,” ayon sa embahada nang hindi naman nito ibinunyag ang pangalan ng nakaligtas.

Samantala, lalo naman naging palaisipan ang usapin dahil may nauna nang ulat mula sa Philippine National Police (PNP) Aurora na nagsasabi ng apat na katao ang natangay ng malalakas na alon sa naturang insidente, iba sa pahayag ng embahada.

Sa ngayon, nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad kaugnay ng insidente.

====

‘Asphyxia by drowning’ sanhi ng pagkamatay ni Ateneo cager Rene Baterbonia – NBI

Pagkalunod ang ikinamatay ni Ateneo student-athlete Rene Baterbonia, batay sa resulta ng post-mortem examination ng National Bureau of Investigation (NBI).

Batay sa dokumentong nilagdaan ni NBI Medico-Legal Officer John Allen Alcantara, “asphyxia by drowning” ang sanhi ng pagkasawi ng atleta.

Una na ring inihayag ng Aurora Provincial Police Office na walang foul play at walang nakitang pasa o anumang senyales ng pananakit sa katawan ni Baterbonia.

Samantala, patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa pagkamatay nina Baterbonia at kapwa Ateneo student-athlete na si Divine Adili.

Nangyari ang insidente habang sila ay nasa isang training activity sa isang beach resort sa Dipaculao, Aurora noong Hunyo 8. 

Share.