Naaresto ang parehong 35-anyos na mag-live in partner nang matuklasan na ang mga ito ang mastermind sa modus na paggamit ng mga pekeng dokumento upang makakuha ng ayuda mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa lungsod ng Lucena.
Ayon sa imbestigasyon ng Lucena City Police, nadiskubre ng mga tauhan ng DSWD ang iregularidad sa mga dokumentong isinumite ng ilang aplikante para sa financial assistance sa tanggapan ng ahensya sa Capitol Compound noong Martes ng hapon.
Sa pagsusuri ng mga dokumento, lumitaw na peke umano ang mga ito kaya agad na nagsagawa ng beripikasyon ang DSWD kungsaan inamin ng tatlong aplikante na tumayo na ring testigo na inutusan lamang sila ng mga suspek na isang lalaking conducto at ka-live in nitong cashier, na magsumite ng mga dokumento kapalit ng pangakong pera matapos makuha ang ayuda.
Agad nagsagawa ng entrapment operation ang mga awtoridad laban sa mag-live in partner at dinakip ang dalawa matapos tanggapin ang kanilang bahagi sa pera mula sa mga aplikante.
Nahaharap ngayon ang mga suspek sa reklamong Swindling Through Falsification of Documents at kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Lucena Component City Police Station.
Inihahanda na rin ang pagsasampa ng kaso laban sa kanila sa Office of the City Prosecutor sa Lucena City.

