Pinapaberepika ni House Committee on Transportation chairperson at Quezon City Rep. Franz Pumaren sa Kamara de Representantes kung genuine ang sticker na nakakabit sa isang Toyota Land Cruiser na sangkot sa hit-and-run incident sa Mandaluyong City.
Sinabi ni Pumaren na kung genuine ang nakakabit na sticker ng Kamara sa naturang sasakyan ay mayroon itong control number kaya matutukoy kung kanino ito opisyal na ibinigay.
“First of all yung sticker kung talagang sa congressman yan merong control number yan eh that can be easy to verify,” sabi ng solon.
“Kasi alam naman natin yung mga stickers, you can buy that online anyone can have that sticker eh. So what’s important based on what I have gathered na-identify na yung owner ng vehicle,” dagdag pa ni Pumaren.
Ayon kay Pumaren, maging ang protocol plate na number 7 (para sa mga senador) at 8 (para sa mga miyembro ng Kamara), ay nabibili online.
“Pero ako second term ko na, I never use that number 8, maski na nung wala pang isyu, nung neophyte pa lang ako, never po ako gumamit,” dagdag pa ni Pumaren.
Ayon sa ulat, nakabangga ng puting Toyota Land Cruiser na may plakang SSS-11 ang isang motorsiklo sa Ortigas Avenue sa Mandaluyong City. Sugatan ang driver ng motorsiklo at nasawi naman ang angkas nitong babae.
Ang sasakyan ay minamaneho umano ng isang 20-anyos na lalaki na anak ng nakarehistrong may-ari na taga-Maynila.
Mayroong mga ulat na nakikipag-ugnayan umano ang may-ari ng sasakyan sa mga biktima at kanilang pamilya upang hindi matuloy ang pagsasampa ng kaso.
Naglabas naman ang Land Transportation Office (LTO) ng show cause order laban sa may-ari at driver ng sasakyan nang maganap ang insidente. Sila ay inutusan na humarap sa Intelligence and Investigation Division ng LTO sa Quezon City sa Hulyo 16.

Share.