Nasakote ang isang part-time worker nang nakawin ang kinitang pera mula sa isang sari-sari store sa Talisay City, Cebu, Sabado, Abril 4, 2026.
Batay sa imbestigasyon ng Talisay City Police, isinagawa ng 52-anyos na suspek ang pagnanakaw habang wala ang 72-anyos na may-ari ng tindahan na nakipag-inuman sa kaniyang mga kaibigan.
Nang makabalik ang may-ari pasado hatinggabi, nadiskubre nitong wasak na ang kandado ng tindahan at nawawala na ang kinita nitong pera na nagkakahalaga ng P157,000.
Lumabas din sa imbestigasyon na bago ang insidente, ipinahayag umano ng suspek sa kapwa manggagawa ang kaniyang pagkadismaya sa maliit na sahod.
Sa report, part-time worker sa tindahan ang suspek at nagtatrabaho rin bilang driver sa isang construction company na matatagpuan malapit dito.
Agad namang nagsagawa ng follow-up operation ang mga awtoridad at natunton ang suspek sa construction company kung saan siya nagtatrabaho. Narekober mula sa kaniya ang kabuuang halagang ninakaw mula sa tindahan.
Kasalukuyan nang nahaharap sa kaukulang kaso ang suspek kaugnay ng insidente.

Share.
Exit mobile version