Inaprubahan ng Kamara de Representantes nitong Huwebes ng gabi, Setyembre 17 ang panukalang batas na naglalayong palakasin ang depensa ng bansa laban sa espionage, cyber-enabled spying, pag-atake sa critical infrastructure at iba pang banta sa pambansang seguridad.
Sa botong 247-10 at walang abstention, inaprubahan ng Kamara ang panukalang “New Espionage Act” (House Bill 9642), na naglalayong i-update sa legal framework para sa proteksyon ng classified information, national defense assets, at sensitibong operasyon ng gobyerno.
Tiniyak ni House Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Ferdinand Alexander Marcos sa publiko na patuloy na magsusulong ang Kamara ng mga panukala na makatutulong sa paglaban sa umuusbong na banta at makapagbibigay sa gobyerno ng mga kinakailangang kagamitan upang mas maprotektahan ang bansa.
Sa ilalim ng panukala ay ipinagbabawal ang hindi awtorisadong paghawak o pagsisiwalat ng classified information na nakapipinsala o maaaring makapinsala sa Pilipinas, hindi awtorisadong pag-access sa mga plano o representasyon ng critical infrastructure at defense facilities, at hindi awtorisadong pagpasok sa mga protektadong national defense assets o critical infrastructure.
Ang espionage at conspiracy to commit espionage ay may parusang habambuhay na pagkakakulong nang walang parole at hindi maaaring makinabang sa good conduct time allowance law at multang mula P10 milyon hanggang P20 milyon, habang ang sadyang paggawa ng maling deklarasyon upang makakuha ng authorization o security clearance ay paparusahan din ng habambuhay na pagkakakulong.
Ipinagbabawal din ng panukala ang pagmumungkahi na magsagawa ng espionage, pagsira o pakikialam sa national defense assets, mga tinukoy na disloyal acts ng mga kawani ng gobyerno na gumaganap ng sensitibong tungkulin, at ilegal na pagmamay-ari o pagkontrol sa mga kagamitan gaya ng drones, cameras, listening devices, at tracking equipment para sa ipinagbabawal na surveillance o spying.
Ang mga opisyal ng gobyerno na mapatunayang nagkasala sa ilalim ng panukala ay papatawan din ng perpetual absolute disqualification sa paghawak ng pampublikong posisyon. Kung ang lumabag ay miyembro ng militar, maaari rin siyang litisin sa ilalim ng court-martial system. Maaari ring panagutin ang mga responsible officer ng juridical entities, habang ang mga dayuhang mapatunayang nagkasala ay ipade-deport matapos pagsilbihan ang kanilang sentensiya at permanenteng pagbabawalang bumalik sa Pilipinas.
Sa ilalim ng panukala, maaaring humingi ang mga kwalipikadong military, law enforcement, o intelligence personnel ng authorization mula sa Court of Appeals upang magsagawa ng surveillance, mag-intercept ng communications, at mag-record ng communications kung may reasonable grounds para maniwalang nagawa na o nakatakdang gawin ang isang espionage offense, mahalaga ang ebidensiyang hinahanap, at walang ibang madaling magagamit na paraan upang makuha ito.

Share.