Mas pinipili muna raw ni John Lloyd Cruz ang sariling mundo kaysa lovelife sa ngayon, ayon sa Tarot card reading ni Mamu Gloria Escoto.
Sa pakikipagkuwentuhan ni Romel Chika kay Mamu, nausisa niya ang kasalukuyang kalagayan ni John Lloyd, partikular na ang personal na buhay at career ng aktor.
Batay sa barahang nabasa ni Mamu, tila naging mahalaga kay John Lloyd ang pagkakaroon ng panahon para sa sarili matapos ang mga pinagdaanan nito sa kanyang relasyon.
“Sa ngayon ay pinapahalagahan niya ‘yung sarili niya o mas nagkaroon siya ng oras sa sarili. So, na-realize niya na mas maganda muna ‘yung mag-isa sa ngayon,” ani Mamu.
Bagama’t tahimik muna umano ang lovelife ng aktor ngayong taon, hindi naman daw nangangahulugang tuluyan na itong mawawalan ng karelasyon.
“Pero kung tatanungin ninyo kung magkakarelasyon pa siya, oo, magkakaroon pero kung itong taon ang pinag-uusapan ay hindi kasi mas pinili muna niya ang sarili niya,” dagdag niya.
May nakita rin umanong posibilidad ng pagbabalik ni John Lloyd sa trabaho, bagama’t hindi pa raw ito isang desisyong tuluyang napagkasunduan.
“Sa career may isang pagbabalik pero pinag-iisipan,” sabi ni Mamu.
Napunta rin ang usapan sa dating relasyon ni John Lloyd kay Isabel Santos.
Tinanong ni Romel si Mamu kung ano ang lumalabas sa kanyang reading tungkol sa dahilan ng umano’y paghihiwalay ng dalawa.
Sa kanyang pagbasa, lumutang ang posibilidad na may naging papel ang pera at pagkakaiba ng kanilang mga ugali sa mga naging problema sa relasyon.
“Parang dito (nabasa sa baraha) kasi halo parang may involved na pera at ugali, siyempre sa isang relasyon puwede ‘yung hiraman (at) siyempre hindi natin sila kilala pareho so, hindi natin alam kung dahil sa pera o magkasosyo ba sila sa negosyo o madalas silang nagka-clash na dalawa,” paliwanag ni Mamu.
May isa pa siyang nakitang posibleng dahilan kung bakit tila hindi umusad ang relasyon ng dalawa.
“At baka naghihintay na kasi ‘yung babae ng proposal pero hindi pa maibigay at naka-hang ang relasyon kung baga ‘yung lalaki kasi ay hindi pa handa,” aniya.
Nilinaw naman ni Romel na wala siyang direktang pahayag mula kina John Lloyd at Isabel tungkol sa tunay na dahilan ng kanilang paghihiwalay at ang mga ito ay base lamang sa naging Tarot reading ni Mamu.
Sa kabilang banda, nang basahin naman ni Mamu ang sitwasyon ni Isabel, lumabas umano ang usapin tungkol sa kanyang negosyo at pera.
“Okay naman siya fighting kung may negosyo ‘to, pilit inaahon ang negosyo (at) problema nito pera,” kaswal na sabi niya.
Nabanggit naman na posibleng ang tinutukoy na negosyo ay ang art gallery ni Isabel, na may kaugnayan sa kanyang mga ipinipintang artwork.
“Sa sitwasyon natin ngayon talaga ay mahirap kapag may negosyo,” dagdag ni Mamu.
“Alam naman natin ‘yan taas-baba, taas-baba,” pagsang-ayon naman ni Romel.
Sa pagpapatuloy ng reading, sinabi ni Mamu na tila negosyo muna ang pinagkakaabalahan ni Isabel habang hindi naman niya nakikitang aktibo ang kanyang lovelife.
“Ito kung nasa mundo ng negosyo ay tagilid at kung lovelife naman ay wala, tahimik din siya. Ang nasa isip nito ngayon ay kaperahan (at) negosyo kasi medyo down siya ngayon struggle pero magiging okay naman,” pahayag niya.
Nang usisain naman kung maayos ba ang naging pagtatapos ng relasyon nina John Lloyd at Isabel, positibo ang naging sagot ni Mamu.
“Oo naman (sabi) sa baraha may usapan naman,” aniya.
Samantala, sa social media ni Isabel, pamilya niya at ang isang furbaby na pumanaw na ang kabilang sa kanyang mga pinakahuling post.
Samantala, nagbahagi naman si John Lloyd ng video ng piano recital ng anak niyang si Elias, na ayon sa ulat ay kinunan pa noong Hunyo.
Trending
- Thai fans kinuwestiyon PVL awards matapos magkampeon ang EST Cola
- Gilas Pilipinas durog sa Bahrain sa 2026 Asian Games campaign opener
- Maricel Soriano mabait kahit mataray
- Lotlot de Leon bilib sa pag-aalaga ni Jericho Rosales kay Janine
- Vilma Santos ‘di pinalad maging National Artist
- Protesta sa harap ng DOLE, nauwi sa komosyon
- 2 Pulis, 3 pa arestado sa kotong sa mga aplikante ng PNP
- Singil sa kuryente, bahagyang bababa ngayong Setyembre

